Nangibabaw ang kahusayan ng ipinagmamalaking Lolo Uweng Shrine ng San Pedro City, Laguna matapos ang idinaos na 1st Sancti Pauli Media Awards noong Sabado, May 9.
Kinilala ang Commission on Social Communications ng Santo Sepulcro Shrine para sa ipinamalas nitong galing sa pagpapalaganp ng ebanghelyo gamit ang digital media.
Tumanggap sila ng apat na parangal: Best Shrine Facebook Page para sa Lolo Uweng Shrine; Best Organizational Facebook Page para sa Lolo Uweng Media; Social Media Excellence para sa Sto. Sepulcro Parish; at Clergy Communicator of the Year para kay Rev. Fr. Rafael C. Malaborbor.
Ayon sa kanila, patunay lamang ang mga ito ng dedikasyon ng bawat miyembro nila upang pagsilbihan ang Diyos at ibahagi ang mga salita Niya.
Samantala, pinapurihan rin ng mga administrator ng Santo Sepulcro Shrine ang pagkapanalo ng kanilang social media team sa nasabing parangal.
“Bilang isang pamayanang patuloy na lumalago sa pananampalataya at debosyon, lubos naming ikinatutuwa na makita ang mga kabataang ito na ginagamit ang kanilang talento, oras, lakas, at kakayahan upang maging katuwang ng Simbahan na maihatid ang mensahe ng pananampalataya sa mas marami pang tao, lalo na sa libo-libong deboto ni Lolo Uweng na hindi personal na makadalo sa dambana,” pahayag ng parokya sa official Facebook account nito.
Ang Sancti Pauli Media Awards ay isang parangal na inorganisa ng Diocesan Commission on Social Communications ng Roman Catholic Diocese of San Pablo, na siyang nakakasakop sa lahat ng mga Katolikong simbahan sa lalawigan ng Laguna.
Layunin ng nasabing parangal na kilalanin ang mga simbahan at church worker na mahusay na nagamit ang multimedia arts at social media upang maipalaganap ang salita ng Diyos sa buong lalawigan.
Ang Diocesan Shrine of Jesus in the Holy Sepulchre, o mas kilala bilang Lolo Uweng Shrine, ay isa sa mga pinakakilalang Roman Catholic shrine sa buong lalawigan ng Laguna.
Tuwing Biyernes at Mahal na Araw, dumadagsa ang mga deboto ni “Lolo Uweng,” o ang imahen ni Hesukristo sa Banal na Libing (Santo Entierro), na pinaniniwalaang mapaghimala simula nang ito ay mapadpad sa baybayin ng Barangay Landayan noong panahon ng pananakop ng mga Kastila.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

