Muntik man ma-ban ang Roblox sa Pilipinas dahil sa mga ulat ng child exploitation, ibahin ninyo ang pakulo ng Catholic Roblox Community.
Virtual Simbahan sa Roblox ang pakulo ni Jelo Amor, isang 18 taong gulang na roblox game developer mula sa Biñan City, Laguna.
Trip na i-develop ni Jelo ang mga larong may replica ng mga sikat na simbahan sa Pilipinas katulad ng Baclaran Church at Manila Cathedral.
Ang kanyang latest na replica: ang Diocesan Shrine of Jesus in the Holy Sepulchre, o mas kilala bilang Lolo Uweng Shrine, sa Barangay Landayan, San Pedro City, Laguna.
Nadevelop ito noong April 7, na may pangalan sa Roblox na "Virtual Landayan San Pedro."
Kuhang-kuha niya ang bawat korte at detalye ng Landayan Church, maging ang mga masusugid na deboto ni Lolo Uweng.
Ang Catholic Roblox Community (CRC), na ngayon ay mayroon nang 6,000 followers sa Roblox ay ginawa "para sa mga deboto po ng iba’t ibang lugar at simbahan na hindi makadalo (makabisita) in real life."
Binubuo ng mga sakristan at may kaalaman sa misa ang CRC at minsan ay nagko-conduct sila ng "online simba" para sa mga Roblox player.
Katulad ng nangyaring Online Traslacion at Fiesta Señor noong 2024 sa Roblox, ang mga misa rito ay pawang simulasyon lamang o role-playing at dagdag ni Jelo ay may respeto sa Banal na Kasulatan at mga turo ng Simbahang Katoliko.
"Lahat po ng nagpapari sa amin ay kailangan pong pag-aralan po ang pagmimisa at tamang gawi," paliwanag pa ni Jelo.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #VirtualSimbahan #Roblox #LoloUweng #Church

