Limitadong suplay, sanhi ng mabagal na pagpapabakuna photo from ABS-CBN News
COVID-19

Limitadong suplay, sanhi ng mabagal na pagpapabakuna

Sep 14, 2021, 8:45 AM
Opinyon News Team

Opinyon News Team

News Reporter

Limitadong suplay umano ang dahilan kung bakit kakaunting porsiyento pa lang ng mga Lagunense ang "fully vaccinated" o nakumpleto na ang dalawang dose ng bakuna kontra Covid-19.

NAHIHIRAPAN ang ilang lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Laguna na mapabilis ang pagpapabakuna kontra Covid-19 dahil umano sa limitadong suplay ng mga bakuna.

Ito ang dahilan kung bakit kakaunting porsiyento pa lang ng mga Lagunense ang "fully vaccinated" o nakumpleto na ang dalawang dose ng bakuna kontra Covid-19.

Sa bayan ng Nagcarlan, halimbawa, 5,656 na mga residente - o 11.44 porsiyento ng kabuuang 49,412 indibidwal na target ng pamahalaang bayan - ang nakatanggap na ng kumpletong dose ng bakuna kontra Covid-19, ayon sa Nagcarlan Rural Health Unit.

Kabilang sa mga ititinuturing na fully vaccinated na kontra Covid-19 ang mga nakatanggap na ng dalawang dose ng bakuna at ang single dose na bakunang gawa ng Jonhson & Jonhson.

Ayon sa Nagcarlan RHU, hindi mabagal ang pagbabakuna ng lokal na pamahalaan at tanging supply na lamang ng bakuna ang kanilang hinihintay upang agad na maibigay sa mga mamamayan na kabilang sa mga prayoridad na grupo.

Samantala, hinimok naman ng lokal na pamahalaan ang mga residente na huwag nang maging "pihikan" sa pagpili ng brang ng bakuna.

“Ang makasali na sa schedule ay isang magandang opportunity na kayo ay magkaron na ng proteksyon against Covid, huwag sayangin ang pagkakataon,” mensahe ng RHU.

Sa kasalukuyan ay nasa 409,852 na ang kabuuang bilang ng mga nakakumpleto ng bakuna o fully vaccinated batay sa lalawigan ng Laguna, sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health Region 4A noong Setyembre 7.

Pagpapabilis sa pagpapabakuna

Sa kabila ng limitadong suplay ng mga bakuna ay gumagawa na ng hakbang ang mga LGU sa lalawigan upang mas mapabilis ang Covid-19 vaccination program ng pamahalaan.

Sa lungsod ng San Pablo, bukod sa mega vaccination program ng lokal na pamahalaan ay naglunsad na rin ito ng barangay vaccination kung saan personal na nagtutungo ang mga health workers sa bawat barangay upang makapagbakuna sa priority sector doon.

Sa lungsod naman ng Biñan, agresibong isinasagawa ang pagbabakuna sa iba’t ibang vaccination sites sa lungsod at patuloy rin na umiikot ang vax-on-wheels para sa mga senior citizen na kailangang mabakunahan ngunit malayo sa mga vaccination sites.

Bukod dito, kamakailan lang ay inilunsad na rin nila ang ‘Night Vaccination Program’ kung saan isinasagawa ang pagbabakuna sa mga simbahan.

Patuloy na hinihikayat ang publiko na makiisa sa malawakang pagbabakuna kontra Covid-19 lalo na't parami pa rin ang bilang ng mga naitatalang kaso ng naturang sakin sa lalawigan.

Sa pinakahuling tala ng DOH-Region 4A, mayroon nang 10,224 na aktibong kaso ng Covid-19 sa lalawigan noong Setyembre 13.

Tags: #OpinYonLaguna, #Covid19, #Covid19vaccine, #vaccinesupply


More about COVID-19

CONVENT UNDER LOCKDOWN photo Danny Querubin

Even nuns are not spared: Two convents in QC locked down due to Covid-19

14 hours ago

We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2021 OpinYon News. All rights reserved.