Dead on the spot ang isang lasing na lalaki matapos mahulog sa tabing-ilog sa Nagcarlan, Laguna nitong nakaraang Huwebes, June 5.
Kinilala ng Nagcarlan Municipal Police Station ang biktima na si alyas "Patrick," 24 anyos, construction worker at tubong Prieto Diaz, Sorsogon.
Ayon sa mga saksi, huling nakita ang biktima na nakikipag-inuman kasama ang ilang mga katrabaho sa tabing-ilog sa Barangay Palayan, Nagcarlan, Laguna noong gabi ng Miyerkules, June 4.
Isa sa mga saksi ang nakakita pa sa biktima na gumagamit ng kanyang cellphone habang nakahiga malapit sa ilog.
Paggising nila bandang alas-siyete ng umaga ng Huwebes ay laking gulat ng mga nakainuman ni "Patrick" nang makita nila itong wala nang buhay sa mabatong parte ng ilog.
Hinihinalang sa sobrang kalasingan ng biktima ay nawalan ito ng balanse at nahulog mula sa pampang na may taas na 50 talampakan mula sa ilog.
Tumanggi ang mga kaanak ng biktima na ipa-autopsy ang kanyang bangkay sa paniniwalang walang naganap na foul play sa kanyang pagkamatay.
Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews