LANDSLIDE
Quezon

LANDSLIDE

Jan 9, 2023, 4:26 AM
Gem Suguitan

Gem Suguitan

Columnist

Tuwing may pagbaha at pagguho ng lupa, madalas sisihin ng tao ang malakas na buhos ng ulan. Ang ulan ay likas. Ngunit ito nga ba ang may kasalanan sa mga kalamidad? Tama bang sisihin ang kalikasan kapag may nangyaring ganito gayong maaaring kagagawan ng mga tao ang dahilan? Kung makakapagsalita lamang ang ulan at ang Inang Kalikasan!

Nakasakay sa van ang pito kataong napagitnaan ng magkabilang landslide sa Barangay 5 Magsaysay noong nakaraang Huwebes at kinailangan silang sagipin ng Infanta Quezon Emergency Response Team (IQERT).

Samantala, nagkaroon din ng katulad na insidente sa mga bayan ng Real at Mauban.

Ang mga sakay ng van ay kinilalang sina Jessa Malate, 28 taong gulang; Jessner Malate, 48; Jelah Mhor Malate, 17, at Ronah Fallar, 43, pawing mga nagmula sa isla ng Polillo. Ang iba pa ay sina Kristianilde Joana Lopez, 39, at Gent Baronia, 40, na taga Lucena City.

Hindi naman napangalanan agad sa ulat na mula sa pamahalaang local ng Infanta ang driver ng van. Lahat sila ay nasa ligtas na kalagayan.

Ayon pa sa ulat, ang van ay magdadala ng pasyente sa ospital sa labas ng bayan ng Infanta nang gumuho ang tabi bundok na sakop ng Barangay Magsaysay.

Dahil dito, kaagad ipinabatid ng Sangguniang Barangay ng Magsaysay na pansamantalang isasara sa lahat na maglalakbay ang Infanta-Marikina Road.

Noon ding Huwebes, inanunsyo ng Department of Science and Technology at ng PAGASA na ang rehiyon ng Calabarzon ay kabilang sa bahagi ng Luzon na makakaranas ng maulap na kalangitan at pag-ulan dulot ng Northeast Monsoon. Maaaring maging sanhi ng mga pabaha at landslide, at possible pang magpatuloy ang pag-ulan sa loob ng tatlong araw, sabi pa ng PAGASA.

Ang Calabarzon ay binubuo ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.

Dahil sa masamang panahon, sinuspinde na ng pamahalaang lokal ng Infanta ang klase sa lahat ng antas pampubliko at pribadong paaralan.

Sa mamamagitan ng Facebook Live ni Infanta Mayor Filipina Grace America, kinumusta at pinaalalahanan niya ang mga mamamayan ng bayan. Inatasan rin ni Mayor America ang mga punong barangay tungkol dito.

Sa Facebook page ng Municipal Government of Infanta Live, ipinakita ni meyor sa publiko ang mga infographics na pagbabasehan ng paalaala para sa mga Listong Infantahin. Makikita dito ang mga pagpapaliwanag sa color-coded rainfall warning, paalala sa mga nakatira sa tabing-dagat tulad ng mga barangay ng Dinahican, Libjo, Boboin, Abiawin, Binulasan, at Pinaglapatan.

Naroon ang mga paalala sa mga nasa wind damage-prone areas, sa mga flood-prone areas, at landslide-prone areas tulad ng Magsaysay, Gumian, Tongohin, at Agos-agos.

Lahat nang mga alituntunin at kailangang malaman ng mga mamamayan ay nakapaloob dito.

Sa kabilang dako sa Purok 4 Barangay Tanauan sa bayan ng Real, gumuho rin ang lupa noon ding Huwebes.

Sa bayan naman ng Mauban, isa ring landslide ang nangyari sa Brgy. Cagsiay 1.

Walang naiulat na nasaktan sa landslide sa mga nabanggit na lugar.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.