Nagpaabot na ng pagtutol ang ilang mga residente ng Barangay Imok sa Calauan, Laguna sa umano'y landfill project sa nasabing lugar.
Sa isang post sa San Pablo Public Forum noong February 4, isang concerned citizen ang nagbahagi ng larawan kung saan tila pinapatag na ang lupain sa nasabing barangay.
“Pigilan natin ang ganitong uri ng mga proyekto. Makasisira ng ating likas ng yaman,” pahayag niya.
Ang nasabing proyekto ay ang Proposed Sanitary Landfill with Waste-to-Energy Facility mula sa South Luzon Waste Management Corporation na kamakailan lang ay inendorso ni Mayor Roseller “Osel” Caratihan.
Base sa talakayan noong 30th Regular Session ng 12th Sangguniang Bayan ng Calauan noong January 26 na pinamunuan ni June Joseph Brion ng Committee on Zoning, Housing, Land Utilization and Urban Development, aabot ng humigit kumulang na 84.23 ektaryang lupain kasama na ang mga apektadong ari-arian, pati ang 1,400 metrong access road.
Umani ng samu't saring reaksyon at komento ang naturang post.
“Hindi kailangan sirain ang kabundukan at kalikasan para sa sinasabi nyong pag unlad!” pahayag ng netizen na si James Jones.
Pero mayroon din namang nagsabi, gaya ng netizen na si Stanley Caneo, na pinag-aralan ng mga eksperto ang nasabing proyekto.
"Hindi rin maaaring balewalain ang banta sa mga lupang sakahan at kabuhayan ng mga magsasaka. Kapag naapektuhan ang lupa at tubig, direktang apektado ang pagkain at kabuhayan ng buong komunidad," pahayag naman ni Laguna 3rd District Board Member Karla Adajar.
Ang nasabing proyekto ay matatagpuan sa hangganan ng Calauan at San Pablo City Laguna kung saan maaaring maapektuhan ang limang barangay ng San Pablo City.
"Dahil sa lawak at lokasyon ng proyekto, malinaw na may posibleng agarang epekto ito sa kalidad ng hangin, daluyan ng tubig, kalusugan ng mamamayan, at kaligtasan sa sakuna ng mga apektadong barangay sa San Pablo City," ayon kay San Pablo City Councilor John Adajar.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

