Iba ang atraksyon ng mga patimpalak ng kagandahan at katalinuhan sa mga kababayan. Inaabangan ang bawat laban, hinuhulaan pa nga ang mga magwawagi. Marami rin ang kritiko na tila mga eksperto sa pagkilatis sa mga kandidata. Mayroon pa ngang biro na napakaistrikto sa pagpili ng beauty queen. Pero sana, ganoon din sila katindi sa pagpili ng mga ibinobotong pulitiko para umunlad na nga ang Pilipinas. Bahagi na ng kulturang Pinoy ang pag-aabang sa mga musa, kahit pambarangay o pambansa man. Ngayon, hindi lamang isa ang aabangan ng mga Quezonin sapagkat dalawang kalalawigan ang pasok sa 40 kandidata ng Binibining Pilipinas.
Pinangalanan at ipinakilala sa media ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI), ang 40 kandidata para sa Binibining Pilipinas 2023 na mula sa ibat-ibang lugar sa bansa. Ang closed door screening ay ginanap sa New Frontier Theater sa Quezon City noong ika-6 ng Pebrero. Kaya'y aabangan ng mga kalalawigan ang dalawang kababayan na sina Anje Mae Escara Manipol ng Mauban at Charismae Sayson Almarez ng General Luna.
Si Manipol ay isang licensed agriculturist na nagtapos ng Bachelor of Science in Agriculture sa Southern Luzon State University (SLSU) sa bayan ng Lucban at kasalukuyang nagpapatuloy ng Master of Science in Agriculture Major in Horticulture sa Cavite State University.
Unang lumahok sa Miss World Philippines 2022 si Manipol kung saan siya ay napabilang sa top 20. Doon ay itinanghal siyang winner bilang "Beauty with a Purpose", sa kanyang advocacy na magkaroon ng sustainable agriculture sa probinsya at mabigyan ng boses at halaga ang bawat magsasaka sa bansa.
Dinala naman ni Almarez ang kanyang bayan sa Niyogyugan 2019 kung saan hinirang siyang isa sa top 15 finalists. Ang Niyogyugan Festival ay ginaganap sa Lucena tampok ang niyog bilang centerpiece product ng Quezon province.
Noon namang 2021 ay naging first runner up si Almarez sa Binibining Bondoc Peninsula. Buong pagmamalaki niyang ipinakikilala sa mga manonood ng pageant ang kultura at sining ng kanyang bayan. Anya,
“Taking a step towards a new journey,excited to represent General Luna, Quezon, in Binibining Pilipinas 2023… Let’s show the country and the world the beauty of confidence, grace, and determination of a Heneralunahin!”
Quezonin Title Holders
May mga nanalo nang taga Quezon.
Hinirang si Ma. Ahtisa Manalo ng Candelaria bilang Binibining Pilipinas International 2018. Ito pa lamang ang kasunod ng Binibining Pilipinas Miss Young Pilipinas na nakamit ni Divina Cristina Zaballero Alcala ng Lucena sa Binibining Pilipinas noong 1985.
Ngayong ika-59 na taon ng kompetisyon, 65 kandidata ang umabot sa final screening. Ang mga hurado ay pinangunahan ni Miss International 2005 Precious Lara Quigaman at mga reigning queens ng Binibining Pilipinas. Nakatakdang ganapin sa Mayo ang kompetisyon at koronasyon na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ang mga kandidatang magwawagi ng titulo ay ilalaban sa pandaigdigang kompetisyon ng kagandahan at talino tulad ng Miss International, Miss Intercontinental at Miss Globe. Dati nang may isa pang titulo na Miss Grand International nguni’t hindi na ito kabilang sa mga koronang ipapasa ngayong taon matapos magwithdraw ng BPCI sa naturang international competition.
Dala ng bawat isa ang pangalan ng bansang Pilipinas, dahilan upang ang mga beauty title holder ay ipagmalaki ng kanilang mga kababayan.