Arestado ang isang construction worker matapos umano niyang tangkang saksakin ang isang pulis na nanita sa kanya sa Magdalena, Laguna nitong nakaraang Linggo, May 4.
Maswerteng hindi nasugatan ang pulis na kinilalang si Pat. John David Alvaro, 25 taong gulang at naka-assign sa Magdalena Municipal Police Station.
Ayon sa salaysay ni Alvaro, nagbabantay siya sa isang basketball tournament na noo'y ginaganap sa covered court ng Barangay Poblacion nang mapansin niya ang suspek na kinilalang si alyas "Rowel," 33 anyos at residente ng Barangay Ibabang Atingay ng naturang bayan, na may dalang ipinagbabawal na fist knuckle.
Nang komprontahin ng pulis si "Rowel" ukol sa nasabing sandata ay bigla umanong bumunot ng patalim ang suspek at tinangkang saksakin ang pulis.
Kahit pa nang tinutukan na ng pulis ang suspek ng kanyang service firearm ay tuloy pa rin ito sa tangkang pananaksak sa kanya.
Kalauna'y nadulas si "Rowel" at nabitiwan ang kanyang patalim, dahilan upang tuluyan siyang maawat at mahuli ni Alvaro.
Nakadetine na sa Magdalena Municipal Police Station si "Rowel" na nahaharap ngayon sa kasong attempted homicide.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews