Isang residente ng Santa Rosa City, Laguna ang inaresto matapos umanong manutok at magpaputok ng isang improvised handgun o "sumpak" nitong nakaraang Linggo, December 8.
Kinilala ng Santa Rosa City police ang suspek na si alyas "Antolin," 57 anyos, nagtatrabaho bilang isang "vaciador" at residente ng Barangay Pooc ng nasabing lungsod.
Sa salaysay ng nagreklamong kapitbahay na kinilalang si alyas "Lany," 49 anyos, housewife at residente rin ng nasabing barangay, Linggo ng gabi nang bigla siyang sugurin ng suspek na may dalang sumpak.
Tinutukan umano ang biktima ng sumpak sabay sabing "Isang bala ka lang."
Matapos noon ay ipinaputok ni "Antolin" ang sumpak, dahilan upang maalarma ang kanyang mga kapitbahay.
Kaagad silang tumawag ng mga barangay tanod na siya namang umaresto sa suspek.
Bukod sa sumpak na napag-alamang hindi lisensiyado ay may narekober pang samurai at iba pang patalim sa bahay ng suspek.
Nakadetine na si "Antolin" sa Santa Rosa City Police Station habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), illegal discharge of firearms, grave threat, at alarm and scandal laban sa kanya.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews