Lalaki, sinaksak ng nakaalitan sa Calauan
Death

Lalaki, sinaksak ng nakaalitan sa Calauan

Apr 13, 2026, 3:29 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Paghihiganti ang tinitingnang anggulo ng pulisya sa isang insidente ng pananaksak sa Calauan, Laguna noong Lunes, April 6.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima na kinilala lamang sa alyas "Jerry" matapos magtamo ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.


Ayon sa ulat ng Calauan Municipal Police Station, naglalakad umano ang biktima sa kahabaan ng NHA Site 3 housing project sa Barangay Santo Tomas nang bigla siyang habulin ng dalawang magkakapatid na kinilala lamang sa alyas na "Anjo" at "Mario."

Nang makorner ng dalawa si "Jerry" ay agad nila itong pinagsasaksak at pinagpapalo pa ng bakal na tubo.


Lumabas naman sa paunang imbestigasyon ng pulisya na may matagal na umanong alitan ang biktima at mga suspek.


Ayon sa mga record ng blotter ng Barangay Santo Tomas, ilang ulit na umanong nakaaway ni "Jerry" ang mga suspek at pinagbantaan pa umano niyang papatayin ang mga ito.


Bukod pa rito ay ilang beses na rin umanong namato ang biktima sa bahay ng mga suspek, na posibleng dahilan upang mapuno na ang dalawa at resbakan ito.


Isang follow-up operation na ang ikinasa ng mga awtoridad upang madakip ang magkapatid na agad tumakas matapos ang krimen.


(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews



We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.