Lalaki, nakuryente sa loob ng bahay
Death

Lalaki, nakuryente sa loob ng bahay

Mar 11, 2025, 7:28 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Isang bangkay ng lalaking hinihinalang nakuryente ang natagpuan sa loob ng kanyang bahay sa Calamba City, Laguna nitong nakaraang Sabado, March 1.

Nasa advanced stage of decomposition na ang biktima na kinilala bilang si "Restituto," 50 anyos, nang matagpuan sa loob ng tahanan nito sa isang subdivision sa Barangay Barandal sa nasabing lungsod.

Ayon sa salaysay ng testigo na kinilala lamang na si alyas "Chito," 59 anyos at biyenan ng biktima, iniulat sa kanya ng mga kapitbahay ng biktima ang masangsang na amoy na nanggagaling sa bahay nito.

Nagpunta si "Chito" sa tahanan ng kanyang biyenan, kung saan nadatnan niyang nakakandado ang pinto at walang sinumang sumasagot.

Dito na siya nagpatulong sa mga barangay tanod at nang pwersahan nilang buksan ang pinto ay doon na tumambad ang bangkay ng biktima na nakahiga sa sahig.

May hawak umanong extension cord ang biktima kaya't hinihinalang nakuryente ito.

Walang anumang bakas ng foul play sa lugar at wala rin umanong nawawalang gamit sa bahay ng biktima, ayon sa ulat ng Calamba City Police Station.

Isinailalim na sa autopsy ang biktima upang matukoy ang tunay na dahilan ng kanyang pagkasawi.

(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)


#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #PoliceReports


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.