CANDELARIA, Quezon — Sa isang mala-pelikulang eksena, nasawi ang isang lalaki matapos paulanan ng bala ng dalawang di pa nakilalang riding-in-tandem sa bayang ito nitong Linggo ng hapon, March 22.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Salbakuta,” 35 anyos, na noo’y nakasakay bilang angkas sa motorsiklo ng kaibigan.
Binabaybay umano nila ang gilid ng riles sa Barangay Malabanban Sur nang lapitan at ratratin sila ng mga salarin sa bandang 3:20 ng hapon.
Dahil sa dami ng tama ng bala sa katawan, agad itong binawian ng buhay sa mismong pinangyarihan ng krimen.
Matapos ang pamamaril, mabilis ding nagsipulasan ang mga salarin sakay ng kanilang motorsiklo, habang naiwan sa lugar ang mga basyo ng bala na narekober ng mga pulis bilang ebidensya.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng awtoridad.
Sinusuyod na ang CCTV footage at iniimbestigahan ang motibo sa likod ng krimen, habang puspusan ang paghahanap sa mga tumakas na suspek.

