Sugatan ang isang lalaking umano'y may sakit sa pag-iisip matapos umano itong makipambuno sa isang security guard sa Cabuyao City, Laguna madaling-araw ng Miyerkules, June 18.
Kapwa isinugod sa ospital ang security guard na kinilalang si alyas "Joel," 26 anyos, at ang biktima na kinilalang si alyas "Lester," 32 anyos.
Sa paunang ulat ng Cabuyao City Police Station, bago ang insidente ay nakita umano ng mga saksi si "Lester" na nakikipagpatintero sa mga sasakyan sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Pulo ng nasabing lungsod bandang hatinggabi ng Miyerkules.
May ilang sandali pa ay bigla umanong tumakbo ang biktima papasok sa isang private subdivision kung saan umano niya nagawang makakuha ng isang kitchen knife.
Nang sitahin siya ni alyas "Joel" na noo'y naka-duty sa naturang subdivision ay siya umano ang pinagdiskitahang saksakin ni "Lester."
Napilitan umanong barilin ng security guard ang biktima bilang pagdepensa sa sarili.
Nagtamo ng saksak sa kanyang kaliwang balikat si "Joel," habang tinamaan naman ng bala sa kanyang mga binti si "Lester."
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews