Hindi matatawaran ang naging kontribusyon ng lalawigan ng Laguna sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng Pilipinas.
At ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), pinakamalaki ang naging ambag ng lalawigan sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas noong 2022.
Sa inilabas na press release ng PSA kamakailan, aabot sa P990.69 bilyon ang iniambag ng lalawigan ng Laguna, o katumbas ng limang porsiyento ng P19-trilyon na GDP ng bansa sa taong iyon.
Sumunod naman dito ang mga lalawigan ng Cavite (P731.39 bilyon), Batangas (P615.81 bilyon), at Bulacan (P604.71 bilyon).
Sa kabuuan, nakapag-ambag ang 82 na mga lalawigan sa Pilipinas ng 11.187 trilyon, o katumbas ng 56.1 porsiyento ng kabuuang GDP ng bansa.
Ang Gross Domestic Product (GDP) ay ang pinagsama-samang halaga ng halaga ng lahat ng mga bilihin at serbisyo sa isang bansa o lugar sa isang takdang panahon.
Kinalap ng PSA ang naturang mga datos sa gitna ng unti-unting pagbangon ng ekonomiya ng bansa matapos ang pandemya ng Covid-19.
#WeTakeAStand #OpinYon #LagunaLGU #GDPTopContributorPH