Ang lalawigan ng Laguna ang nakapagtala ng pinakamaraming binaklas na illegally-posted na mga campaign tarpaulins sa simula ng campaign period para sa May 2025 midterm elections.
Ito ay batay sa inilabas na datos ng Commission on Elections (Comelec) kasabay ng "Kapihan sa Bagong Pilipinas" forum ng Philippine Information Agency (PIA) ngayong Biyernes, February 28.
Ayon kay Atty. Margaret Joyce Reyes-Cortez, Assistant Regional Election Director ng Comelec Calabarzon, umabot sa 3,594 tarpaulins na ipinaskil sa mga bawal na lugar o lagpas sa recommended size ang tinanggal ng mga tauhan ng Comelec sa 30 "Operation Baklas" operations na isinagawa noong February 11.
Sa araw na iyon nagsimula ang campaign period para sa mga pambansang posisyon gaya ng senador at party-list representatives.
Sumunod dito ang lalawigan ng Quezon na nakapagtala ng 2,051 materials na tinanggal, at Batangas, kung saa 1,779 materials ang binaklas.
Bukod dito, iniulat rin ni Cortez na wala pang natatanggap ang Comelec Calabarzon na iba pang mga election violations sa kasalukuyan.
Ayon pa sa opisyal ng Comelec, siniguro rin nila na mas mahigpit ang pagpapatupad nila ng guidelines para sa campaign materials, habang isinama na rin nila sa pagmomonitor ng "Committee on Kontra-Bigay" ang tinatawag na "abuse of state resources" o ang paggamit ng mga resources ng pamahalaan ng mga kandidato.
Magsisimula ang campaign period para sa mga lokal na posisyon sa March 28.
Malls bilang polling precincts
Samantala, dalawang shopping mall sa lalawigan ng Laguna ang makakabilang sa "mall voting" project ng Comelec para sa May 12 elections.
Kabilang sa nasabing mga mall ay ang Robinsons Santa Rosa at SM City Santa Rosa sa Santa Rosa City, Laguna.
Ang nasabing mga mall ay magsisilbi sa 20 established at apat na clustered precincts sa Barangay Tagapo, na may kabuuang 3,771 na mga botante.
Matatandaang pumasok sa kasunduan ang Comelec sa ilang mga malalaking mall sa bansa upang magamit ang kanilang mga pasilidad para sa darating na national and local elections sa May 12.
Maagang magbubukas ang nasabing mga mall (5:00 ng umaga) para sa mga botante, partikular na ang mga senior citizen, buntis, at mga may kapansanan.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #Election #COMELEC