Laguna, isinailalim sa 'State of Calamity'
Calamities

Laguna, isinailalim sa 'State of Calamity'

Nov 4, 2024, 1:27 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna ang declaration ng "State of Calamity" sa buong lalawigan noong nakaraang Lunes, October 28.

Ayon sa Resolution No. 1086 Series of 2024 na ipinasa ng Sanggunian, ang deklarasyon ng "State of Calamity" ay batay sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) dahil na rin sa pinsalang idinulot ng bagyong "Kristine" kamakailan.

Laguna, isinailalim sa 'State of Calamity'

Laguna, isinailalim sa 'State of Calamity'

Sa pinakahuling tala ng Laguna PDRRMO, umabot sa 201,999 pamilya o 739,954 indibidwal ang naitalang nasalanta ng bagyong "Kristine," habang P1,309,519,925.38 ang naitalang pinsala sa agrikultura (hindi pa kabilang ang P3 milyong pinsala sa livestock).

Nauna nang nagdeklara ng State of Calamity ang mga lungsod ng Binan, Cabuyao, Calamba, San Pedro at Santa Rosa at mga bayan ng Santa Cruz, Victoria, Paete, at Los Baños.

Ano ang 'state of calamity'?

Ayon sa Republic Act No. 10121 (Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010), ang "state of calamity" ay isang "condition involving mass casualty and/or major damages to property, disruption of means of livelihoods, roads and normal way of life of people in the affected areas as a result of the occurrence of natural or human-induced hazard."

Maaaring magdeklara ang mga lokal na pamahalaan ng "state of calamity" batay sa rekomendasyon ng mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC), sa bisa ng kanilang assessment sa pinsala sa buhay at ari-arian na dulot ng kalamidad.

Anu-ano naman ang mga benepisyo at kondisyon na maibibigay ng "state of calamity"?

Batay sa RA 10121, sa pamamagitan ng "state of calamity," maaaring magpatupad ng price ceiling ang pamahalaan sa mga pangunahing bilihin upang hindi pagsamantalahan ng mga negosyante ang panahon ng kalamidad para makapagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Maaari ring magbigay ng no-interest loans ang mga government financing or lending institutions gaya ng mga bangko na pag-aari ng gobyerno, gayundin ang SSS, GSIS at Pag-IBIG, sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Higit sa lahat, sa ilalim ng "state of calamity," maaaring mag-realign o kumuha ng karagdagang pondo ang pamahalaang nasyonal at lokal upang magamit sa pagtulong sa mga nasalanta, gayundin sa pagsasaayos ng mga imprastrakturang nasira ng kalamidad.

Photo courtesy: DILG Laguna

#WeTakeAStand #OpinYon #LagunaunderStateofCalamity #TSKristine


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.