Matapos ang pagbabaha na naranasan noong nakaraang taon, tila nanganganib naman na kulangin ng tubig ang Laguna de Bay.
Sa water level advisory na inilabas ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), nasa 10.85 meters ang lebel ng tubig sa lawa nitong nakaraang Martes, May 5.
Ayon sa obserbasyon ng LLDA, patuloy na papalapit ito sa 10.50 meters na lower critical threshold ang lawa.
Paliwanag ng ahensya, ang nasabing pagbaba ng lebel ng tubig sa Laguna de Bay ay tipikal sa panahon ng tag-init (Hot Dry Season) sa Pilipinas, na pinangungunahan ng Easterlies (maiinit na hanging nagmumula sa Karagatang Pasipiko) at High-Pressure Area (HPA).
Ngunit kung magpapatuloy ang mainit na panahon na posible pang sabayan ng El Niño sa huling bahagi ng taon, posibleng mas bumaba pa sa normal ang lebel ng tubig sa lawa.
Hindi pa malinaw kung ano ang posibleng maging epekto nito sa ekolohiya ng lawa, gayundin sa kabuhayan ng mga mangingisda sa lawa.
Samantala, hinikayat rin ng LLDA ang mga residente at lokal na pamahalaan upang linisin ang mga daluyan ng tubig at patibayin ang mga pampang bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #LLDA

