KWF, tumatanggap na ng ‘panukalang saliksik’ para sa Araling Salin
Society and Culture

KWF, tumatanggap na ng ‘panukalang saliksik’ para sa Araling Salin

Jun 21, 2023, 12:53 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Upang mapayabong pa ang kultura ng pananaliksik sa pagsasalin sa Pilipinas, inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga dalubhasa na magpasa ng mga panukalang saliksik para sa Gawad Ponciano B.P. Pineda sa Araling Salin [KWF Grant sa Saliksik].

Ito ang unang pagkakataon na maggagawad ang KWF ng pondo sa mga pananaliksik sa araling salin sa Pilipinas.

Layunin ng naturang grant na higit pang mapasulong at mapalakas ang kultura ng pananaliksik sa pagsasalin sa bansa.

Bukas ang naturang programa sa lahat ng propesyonal at baguhang mananaliksik sa araling salin, mga mananaliksik mula sa akademya, at nasa industriya ng pagsasalin, maging indibidwal man o grupo.

Sa ilalim ng naturang grant, magkakaloob ang KWF ng P25,000 sa mga mapipiling panukala na siya namang makukuha sa pamamagitan ng reimbursement at batay sa nagawang pananaliksik ng nagpanukala. Malayà ang mananaliksik na magpanukala ng anumang saliksik na may kaugnayan sa araling salin sa Pilipinas.

Matapos ang pagsasagawa ng saliksik, kinakailangang makapagsumite ang proponent ng listahan ng pinaglaanan ng badyet tulad ng bayad sa mga informant, pamasahe, pagkain, load, bayad sa internet, papel, audio/video recorder, at iba pa.

Ang matatapos na saliksik ay gagamitin ng KWF sa isang forum na idaraos sa taóng 2024. May unang opsiyon din ang KWF na ilimbag ang mga saliksik sa isang refereed journal.

Sa Agosto 30 ang huling araw ng pagpapasa ng panukala ng pananaliksik, habang sa Setyembre 30 naman iaanunsiyo ang mga gagawarang panukala.


Para sa iba pang mga impormasyon o katanungan, magpadala ng mensahe sa kwfgrantsasalin@gmail.com .


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.