Kultura at turismo sa San Pedro, may badyet na
OpinYon Laguna

Kultura at turismo sa San Pedro, may badyet na

May 12, 2026, 2:33 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

"Una sa Laguna" pagdating sa kultura at turismo. Ito ang hangad ngayon ng mga lokal na opisyal sa San Pedro City, Laguna kasabay ng pagpapasa ng isang ordinansa na naglalaan ng takdang badyet para sa tourism, culture and heritage programs nito.

Ipinasa na kamakailan ng Sangguniang Panglungsod ang City Ordinance No. 2026-14, kung saan maglalaan ang pamahalaang lungsod ng isang porsiyento (1%) ng kabuuang pondo para sa mga programang panturismo, kultura, at pamana ng lungsod.


Sa isang statement na inilabas sa Facebook ngayong Miyerkules, May 6, iginiit ng San Pedro City Tourism, Culture and Arts Office (CTCAO) na malaki ang maitutulong ng nasabing ordinansa upang higit pang pagyamanin ang kamalayan at pagpapayabong ng mga San Pedrense sa kanilang sariling kultura at kasaysayan.


Sa ilalim kasi ng City Ordinance No. 2026-14, maaring gamitin ang nasabing budget allocation para sa mga aktibidad at programa ng CTCAO.


Kabilang na rito ang pagpapagawa at pagsasaayos ng mga tourism infrastructures at facilities; pagsasagawa ng mga cultural festivals, art fairs, exhibits, forums, at seminars; dokumentasyon at pananaliksik pangkultura at pangturismo tulad ng cultural mapping; at paglilimbag ng mga aklat at mga educational materials tungkol sa lokal na kasaysayan at kultura ng lungsod.


"Asahan po ninyo sa mga susunod na panahon ang mas pinalawig at mas pinagandang mga programang panturismo, kultura, at sining dito sa ating lungsod," dagdag pa ng CTCAO.


Ang nasabing ordinansa ay inakda ni Konsehal Earl Gius Castasus at sinusugan nina Konsehal Abraham Cataquiz at Iryne Vierneza.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.