(Ikalawang bahagi ng seryeng ‘PLDT Naman’)
Tungkol naman sa isang batas na layuning baguhin ang realidad ng internet sa Pilipinas, tutol ang PLDT.
Ang Konektadong Pinoy Act na naghihintay na lamang ng pirma ng Pangulo ay magbubukas ng pinto para magkaroon ang Pinoy ng ibang pagpipilian na internet provider sa pamamagitan ng pag-alis ng legislative franchise sa mga requirements at infrastructure sharing.
Inaasahan din na magiging mas maayos, mas mura, at mas malawak ang internet sa bansa sa pamamagitan nito.
Pero ayon sa PLDT, haharangin nila at dadalhin ito sa korte kung maisabatas dahil sa mga isyu ng paglabag sa Konstitusyon.
Punto at kontra-punto
Kamakailan lang humirit naman ang grupo ng isang request: kung maisabatas ay bigyan sila ng representasyon sa pagbuo ng Implementing Rules and Regulations o IRR.
Ayon din sa kanila, may problema sa seguridad (cybersecurity) nila ang batas dahil bubuksan nito ang kanilang mga assets “without cybersecurity clearance.”
Pero ayon mismo kay Pangilinan, “We’re not asking for protection, just a level playing field naman. Papasok na lang sila dito tapos wala silang franchise requirement.”
Para naman sa Department of Information and Communications Technology (DICT), na siyang magmomonitor sa implementation ng batas, priority pa rin ang seguridad.
Sabi naman ng ICT policy researcher na si Grace Mirandilla-Santos sa isang interview, walang banta sa seguridad ang Konektadong Pinoy.
Dagdag pa nito, tanging Pilipinas na lang ang bansang nangangailangan ng legislative franchise para sa network operator.
Ibig sabihin ba nito ay pinapahamak ng mundo ang kanilang mga bansa dahil hindi kailangan ng legislative franchise sa kanila?
Kung “fairness” o pagiging patas ang hanap ni Pangilinan, ayun din siguro ang hanap ng taumbayan.
Saang mundo patas ang mabagal pero mahal na internet pero wala ka namang magawa dahil dadalawa lang ang choice mo?
O ’di kaya yung mawalan ka bigla ng internet habang pinapanood ang paborito mong vlog.
(Itutuloy)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #PLDT