Kite Fest sa Montemaria, ligaya sa himpapawid
Celebrations and Festivals

Kite Fest sa Montemaria, ligaya sa himpapawid

Apr 8, 2024, 7:28 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Napuno ng makukulay at naggagandahang mga papagayo at saranggola ang kalangitan ng Montemaria sa Barangay Pagkilatan sa Batangas City sa isinagawang ika-apat at huling bahagi ng Batangas Kite Festival 2024 noong ika-24 ng Marso.

Ang Montemaria ay isang pamosong pilgrimage site na dinarayo ng iba’t-ibang mga deboto na mula pa galing pa sa malalayong lugar.

Ang kite competition ay inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), sa pakikipagtulungan at pakikiisa ng Papagayong Batangueño Group.

Nagbigay ng mensahe sina Gov. Hermilando Mandanas at Vice Gov. Mark Leviste na magkasamang nagpalipad ng kani-kanilang saranggola. Sila ay inalalayan nina Provincial Tourism and Cultural Affairs Office Head, Dr. Katrin Buted; AnaKalusugan Partylist Congressman Rey Florence Reyes, at ng mga kalahok.

Kagaya sa mga naunang yugto ng eliminasyon, muli namang nag-sponsor ng First Aid Booths, libreng bottled water, empanada at hotdogs si Congressman Reyes.

Nagsilbing hurado sina Ada Panopio, Gawad ng Kumintang sa Visual Arts Awardee at miyembro ng Arte Bauan; Lino Acasio, Dangal ng Batangan Awardee, Batangas Culture and Arts Council-Visual Arts Sector Head, at Arjay Monson, miyembro ng Kite Makers of the Philippines at gumagawa rin ng iba’t-ibang uri ng tradisyunal, Vietnamese at Japanese kites.

Animnapu’t-apat ang naging mga kalahok sa kategorya ng kitayan, 25 sa tradisyunal, at 15 naman sa Open 3D na nagmula hindi lamang sa iba’t-ibang bayan at lungsod ng Batangas, ngunit maging sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna.


Sa kategoryang Pagandahan (Tradisyunal), nagwagi si Teofilo Daniel Pasco, na sinundan nina Kobe Caballes at Daniel Hobayan.

Sa Pagandahan (OPEN 3D), nanguna ang saranggola ni John Louise Basit, habang pumangalawa naman si Jan Alfred Musni at pumangatlo si Joel Jeremillo.

Habang sa Kitayan (Patayugan), pinakamataas ang naabot ng papagayo ni Pablito Alvarez, habang nag-2nd Place si Jemat Espiritu at 3rd Place si Ariel Virtus.

Samantala, nagkaroon din ng mga special awards gaya ng Governor’s Choice Award at 365 Wonders Choice Award na parehong nasungkit ng saranggolang si “Gragon” na nagmula pa sa Naic, Cavite. Pinarangalan naman si Mr. Meissner G. Dimaano, 80-taong gulang na tubong Batangas City, bilang Oldest Kite Flyer sa nasabing paligsahan.

Ang mga kalahok na nagwagi ay nag-uwi ng ribbon, sertipiko at cash prize na nagkakahalaga ng ₱1,000 hanggang ₱10,000.

#WeTakeAStand #OpinYon #BatangasKiteFestival2024



We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.