'Ketchup Gang,' muntik nang makapambiktima
OpinYon Laguna

'Ketchup Gang,' muntik nang makapambiktima

Apr 27, 2026, 5:42 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Babala sa mga mananakay ng pampublikong sasakyan: maging mapagmatyag lagi sa mga nasa paligid ninyo.

Sa San Pedro City, Laguna, isang estudyante ang muntik na umanong mabiktima ng isang grupo ng mga kawatan gamit ang "ketchup modus."


Kwento ng estudyante na si Irish Mendoza, sakay umano siya ng jeepney galing Pacita nang may sumakay na isang grupo ng apat na lalaki sa bahagi ng Landayan.


Kaagad umano siyang tinabihan ng grupo - dalawa sa gilid niya at dalawa sa tapat niya.


"Biglang ang bilis ng pangyayari tinago ko agad yung cellphone ko. Yung guy na nasa harap ko tried to distract me, may sinasabi siyang may something daw sa ilalim ko (pero hindi ko pinansin)," kwento niya sa kanyang post sa social media.


Nang hindi umano umubra ang nasabing taktika ay doon na niya naramdaman na may tumalsik na sauce sa kanya.


"Hindi ako nag-panic naging alert lang ako. Pero sila, sobra kung maka-react 'Ate, ayun yung naglagay oh!'" kwento pa ni Irish.


Mabuti na lamang at nakahanap agad siya ng pagkakataon na bumaba sa jeepney.


"Halatang gusto nila akong ma-distract, pero naka-focus ako sa gamit ko at sa next kong gagawin. Buti na lang mahilig ako magbasa tungkol sa mga ganitong modus, kaya aware ako."


Ang "ketchup modus" ay isang variant ng notoryus na "dura-dura modus" kung saan dudurain o magtatalsik ng likido ang mga kawatan upang ilihis ang atensyon ng kanilang mga target.


Kapag nalinga na ang biktima sa pagpunas sa tumalsik na likido sa kanya ay doon na lilimasin ng mga suspek ang mga gamit ng mga biktima.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #KetchupGang


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.