Nagtungo kamakailan sa Infanta People’s Council (IPC) ang mga kasapi ng Philippine Misereor Partnership Inc. (PMPI) upang talakayin ang mahahalagang adbokasiyang pangkalikasan, partikular ang pagsusulong ng “Rights of Nature” Campaign.
Sa isinagawang pagpupulong, binigyang-diin ng dalawang organisasyon ang kahalagahan ng pagtutulungan upang higit pang mapalakas ang pangangalaga at pagtatanggol sa kalikasan.
Isa sa mga pangunahing pokus ng usapan ang kalagayan ng Sierra Madre Mountain Range, na patuloy na nahaharap sa iba’t ibang banta tulad ng illegal logging, pagmimina, at iba pang mapaminsalang gawain.
Tinalakay rin ang mga posibleng hakbangin at programa na maaaring ipatupad sa antas ng komunidad upang mapalawak ang kamalayan at aktibong partisipasyon ng mamamayan sa pangangalaga ng likas-yaman.
Ayon kay IPC President Aristeo Flores, layunin ng inisyatibong ito na isulong ang pagkilala sa karapatan ng kalikasan, kasabay ng paghikayat sa mas maraming sektor na makibahagi sa mga gawaing naglalayong protektahan ang kapaligiran.
Inaasahan naman na ang nasabing ugnayan ay magsisilbing daan upang higit pang mapatatag ang mga lokal na aksyon para sa pangmatagalang pangangalaga ng Sierra Madre at iba pang likas-yaman sa bansa.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

