Isa ang patay habang isa ang sugatan matapos mauwi sa karahasan ang masayang inuman sa dalawang lugar sa Laguna province noong October 13.
Sa San Pedro City, dead on the spot ang isang residente ng Barangay Cuyab na kinilalang si alyas "Eduardo" matapos biglang pagbabarilin bandang alas-diyes ng gabi.
Batay sa ulat ng San Pedro City Police Station, nag-iinuman sina "Eduardo" kasama ang ilang kaibigan nang bigla umano siyang lapitan ng mga hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril nang malapitan.
Sa bayan naman ng Majayjay, sugatan ang isang residente ng Barangay San Miguel matapos pagsasaksakin ng kanyang kainuman.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na nag-iinuman ang biktima na kinilala lamang sa alyas "Nick" at ang suspek na kinilalang si "John Rey" nang magkaalitan ang dalawa na humantong sa suntukan.
Pumasok si alyas "Nick" sa loob ng kanyang bahay ngunit sinundan siya ng suspek at pinagsasaksak siya.
Kaagad namang tumakas matapos ang tangkang pamamaslang ang suspek na pinaghahanap na ngayon ng Majayjay PNP.
(OpinYon News Team/Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews