Kalye Budin
Quezon

Kalye Budin: Kanlungan ng pasalubong kung saan nagsimula ang orihinal na cassava cake

May 6, 2021, 2:23 AM
Annadel Gob

Annadel Gob

Writer

Kilalanin ang orihinal at kakaibang uri ng cassava cake na tinatawag na “budin,” na pinasimulan ng isang ginang na taga-Tayabas, Quezon na ngayon ay siyang hinahanap at dinarayo para matikman hindi lamang ng mga residente kundi maging ng mga turista.

ANG cassava cake ay may iba’t ibang porma at lasa ngunit namumukod-tangi ang matamis at malinamnam na matatagpuan sa lungsod ng Tayabas, Quezon.

Ito ay tinatawag na “Budin” na mabibili sa maliit na kalye ng Emilio Jacinto o sa mas kilalang tawag na “Kalye Budin.”

Ang budin ay mula sa niyadyad na balinghoy (cassava),asukal, niyog, mantekilya at binudburan ng keso.

Maihahalintulad ang budin sa “pudding” sapagkat ito ay maligat at natutunaw sa iyong bibig.

Ito ay paboritong meryenda o panghimagas at naging paboritongbilhin ng mga turistang dumarayo sa Tayabas.

Ngunit paano nga ba nagsimula ang budin sa Tayabas?

Mayroon nang nagtitinda noon pa man ng budin sa palengke ng Tayabas ngunit taong 1972 nang unang makita ang isang budin na hugis ay bilog sa Tayabas East Central School II.

Ang kilalang hugis-bilog na budin kasi ngayon ay karaniwang inilalagay lang sa malaking parihabang tray noon.

Sinimulan ni Gng. Corazon Reyes ang paggagawa ng budin na bilog at ito’y una niyang itininda sa kantin ng paaralan.

“Nagpapahurno kami ng budin sa Josefina Bakery noon sa halagang 10 centavos at mabibili naman ito sa halagang limang sentimos,” kuwento ni Reyes.

Sa kagustuhang makatulong sa kaniyang mga kapitbahay, taong 1974 ay ibinahagi niya ang pagtitimpla ng budin.

“Dadalawa lang kami ng kapatid ko na si Apolonio Reyes nagtitinda ng budin dito sa aming kalye. Hanggang sa magtanong ang aking kapitbahay sa resipe at magsabi na magtitinda rin sila ng budin. Hanggang sa naging 20 puwesto na ang nagtitinda ng budin,” ani Reyes.

Naging patok ang buding bilog sa bayan ng Tayabas hanggang sa taga-ibang bayan na ang bumibili ng budin.

Budin

Budin Photo from EverthingQuezon,Facebook

“Naging Kalye Budin ito marahil sa mga tricycle drivers at sa mga turistang nagtatanong kung saan ba nakakabili ng budin. Kaya ang kalyeng Emilio Jacinto ay naging popular sa tawag na Kalye Budin,” masayang wika ni Gng. Corazon.

Sa kasalukuyan, iba’t ibang produkto na ang mabibili sa Kalye Budin tulad ng ipinamamalaking Lambanog Tayabas, nilupak (pound cassava cake), halayang ube (sweet purple yam/taro), ube candy, pastillas (milk candy), espasol (sticky rice snack) at tikoy (local version ng Chinese sticky rice cake).

Kalye Budin

Kalye Budin Photo by Perla Porta Baracael, Facebook

Mabibili rin rito ang Lucban longganisa (sausage), pansit Lucban (noodles), puto seko (rice cookies) at Lambanog Tayabas (coconut wine/vodka), uraro (arrowroot cookies mula sa Catanauan) at apas (thin sweet cookies mula saSariaya), mazapan , cassava chips, fish crackers at meringue.

Tags: #OpinYonQuezonin, #Tagalognews, #TayabasQuezon, #food, #budin


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.