Kalsada ng kamatayan sa Infanta
Quezon

Kalsada ng kamatayan sa Infanta

May 2, 2023, 7:38 AM
Boy Villasanta

Boy Villasanta

Columnist

INFANTA, Quezon - White Lady o Forest Angel, hindi sa Balete Drive kundi sa Barangay Magsaysay ng bayang ito?

O sadyang kaskasero lang ang driver pag nasa matarik at makurbada nang bahagi ng Marikina-Infanta Road (na mas kilala bilang Marilaque Road) malapit sa Pinlac Bridge ng kalsada kaya maraming nag-iilusyon at nagbabanta ng trahedya sa kalsada?

Noong umaga ng April 15, minamaneho ni Danilo de Guzman, 67, nakatira sa Barangay 129 ng Barrio Binagan San Jose, Caloocan City, ang isang puting Isuzu Flex lulan ang maraming pasahero mula sa Cogeo sa Antipolo para mag-swimming sa Real, Quezon.

Ani de Guzman, pababa na siya sa may siko ng Marilaque Road bago sumapit ang Pinlac River, nawalan siya ng giya, dahilan upang matulin na dumire-diretso ang van pababa.

Pagkuwan ay umikot ang sasakyan, nag-turn-turtle na parang ipu-ipo at umangat, ani Danilo ang unahan ng kanyang minamaneho. Bumaling ang bunganga ng sasakyan sa pabalik na direksyon.

"Hindi ko na makontrol ang break at umikot na kami," pahayag ni de Guzman makalipas ang ilang araw sa kanyang madilim at parasukat na silid sa mataong lugar na 'yon sa Lunsod ng Caloocan, isang tanaw mula sa La Loma da Lunsod ng Quezon.

"Naramdaman ko, biglang may humila sa akin at sa batang katabi ko paitaas. Parang saglit akong nawalan ng malay at pagmulat ko, may nakita akong isang napakalaking braso at katawan na puting-puti, parang maraming balahibo na puting-puti. Hindi ko nakita ang mukha sa mismong unahang salamin ng Isuzu Flex dahil siya ang nag-angat at humila sa amin ng batang katabi ko paitaas," salaysay ng tsuper sa pusikit ng gabi sa Barangay San Jose.

Ayon kay de Guzman, dumaan sila ng bata nang paitaas sa bintana ng sasakyan at walang kaabug-abog silang lumagpak nang paapak sa lupa."Noon ko naramdaman na duguan na ako," sabi pa ng tsuper.

Naiwan ang Isuzu Flex na nakatagilid sa tabi ng bundok at narinig na lamang niyang nagkakagulo na sa loob ng behikulo.

Samantala, naiwan anang drayber ang isang babae na nakaupo sa tabi ng bintana na katabi nila. "Si Aling Miriam 'yon na naipit ang kamay sa bintana," dagdag pa niya.

Nilinaw ni Danilo na hindi sa kanya ang umanod at wumisik na dugo sa kanyang katawan kundi galing sa nagngangalang Miriam na sa oras ng panayam ay hindi niya matandaan ang apelyido.

Sa pagkakaipit ng babae sa bintana, naputol ang kamay nito.

Ayon kay de Guzman at John Silad, kinatawan ng Provincial Goverment ng Lalawigan ng Quezon na nakatalaga sa Claro M. Recto Hospital sa bayang ito kung saan dinala ang mga sakay na biktima ng aksidente, sa isang pagamutan na sa Antipolo City pinutol ang kamay ni Miriam.

"Ayon sa nakausap ko dito sa ospital, tatlumpu't tatlo ang lulan ng Isuzu Flex," wika ni Silad.

Sinabi rin niya na nasa Emergency Room na ospital sa panahon ng interbyu na wala namang namatay sa mga pasahero maliban sa mga galis at augat ng ilan sa mga ito. Karamihan anya sa mga sakay ay bata.

"May isang bata na naputol ang hinlililiit," aniya.
"Ipinag-adya kami ng malaking anghel na 'yon. Forest Angel ang tawag ng mga tagaroon," nakangiting wika ni Danilo.

Takaw-aksidente?

Samantala, pinasubalian naman ni Ron Crisostomo, Pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction Management ng bayang ito ang sinabi ni de Guzman na iniligtas siya ng kanyang anghel de la guwardiya sa kamatayan dahil konting gasgas lang ang kanyang natamo sa sakuna.

"Marami nang namamatay sa lugar na 'yan," pahayag ni Crisostomo.

Anang puno ng IDRRM, may inhenyero at kasama nito na nagsu-survey sa lugar ng pinangyarihan ng sakuna ang tumilapon ang sasakyan sa bangin na naging sanhi ng kamatayan ng mga ito.

"Halos mga engineer ng DPWH ang namamatay d'yan," tahasang wika ni Leonila Ayura, residente ng Barangay Magsaysay.

"'Yong anak ko, nakiwalis na tatay niya sa kalye, ipinakita sa amin 'yong utak ng tao, 'may ngipin pa,' sabi niya," pag-alala niya.
"Noong isang taon, engineer din at ang kanyang driver ang namatay d'yan," pahayag ni Leonila noong April 27 (Huwebes), habang itinuturo ang kinagulungan ng sasakyan ng inhenyero at tsuper nito. "On-the-spot, patay 'yong dalawa."

Sinabi ni Leonila na nang marinig niya at ng kanyang mga kasambahay ang kalampag ng animo'y salpok ng sasakyan sa bandang itaas ng kanilang bahay sa may palusong na bahagi ng highway sa itaas lang ng Arise Hanbit Mountain Church, ilang metro ang layo sa pinangyarihan ng aksidente ng Isuzu Flex, sumugod agad siya at ang kanyang anak na babae.

"Nagpapaliritan ang mga bata. 'Mommy!' 'Nanay!' 'Yong anak ko, tumulong na sa paghugot sa mga pasahero. May bata, matanda, mga kasing-edad ko," salaysay pa ni Ayura.
“Noong Mahal na Araw, may bumaligtad rin na dyip dito pero wala namang naano,” dagdag pa niya.

"Dito, namatay na rin 'yong isang titser. Tumilapon 'yong motor na sinasakysan niya mula roon (sa madalas pangyarihan ng aksidente). Nawalan ng preno ang motor. Sa may bahay namin namatay 'yong titser," kuwento ni Leonila.
"K'wan daw po, ay, may hindi nakikita r'yan na gano'n daw po," mahiwagang pahayag ni Ayura na ang tinutukoy ay ang puwersa ni Kamatayan.

Ayon kay Ayura, ang asawa niyang si Ramil Baraquel, Barangay Tanod, ang madalas tumutulong sa mga biktima ng sakuna sa kalsada.

"'Yon namang rescue sa Infanta, matagal dumating. May naaksidente rito, isinakay na namin sa tricycle, 'yon, nakasalubong na nila," lahad ni Leonila.

Mag-ingat sa pagmamaneho

"Maghahain kami ng resolusyon sa DPWH na maglagay ng mga traffic visuals para mabawasan ang aksidente roon," pahayag ni Crisostomo.

Gayunman, may personal na payo si Ron: "Sa mga motorista naman, sana, makinig naman sila sa mga warning. At saka, sa pagmamaneho, alam naman nilang matarik at paganyan-ganyan (paalun-alon, slopy sa wikang Ingles, paglalarawan ng kanyang muwestra), huwag naman silang mag-third o fourth break, delikado talaga."

Madalas din anya na maulap sa mga bundok ng Marikina-Infanta Road kaya kailangan ang ibayong ingat dahil baka makatapik sa dinaraanan ng mga motorista.

May magaganda rin anyang tanawin sa paligid kaya nawiwili ang mga motorista at pasahero na tumanaw mula sa sasakyan at baka makaligtaan ang pagmamaneho.

Bagamat hindi siya konektado sa Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi ni Crisostomo na mahirap at magastos para sa ahensiya kung sakali at babaguhin ang pagkakagawa ng highway.

Gayunman, sinabi ni Bernadette Cora, Engineer III ng DPWH Quezon District 1 sa Lucban na nagpapasalamat siya sa pagtawag ng OpinYon Quezonin ng pansin sa kalagayan ng partikular na lugar na 'yon sa Marilaque Road.

"Mabuti at nagbigay kiayo ng ideya sa amin. Papasyalan po namin ang lugar para malaman ang problema.

Kung warning signs lang, hindi masyadong mapapansin. Mas maganda siguro, baguhin.

“Ang gagawin po natin, ikukunsulta po namin ang sitwasyon kay Engr. Salvador Salvana, ang District Engineer at iinspeksyunin po namin ang lugar. At kung kailangang baguhin, gagawin po namin ang lahat para sa kaligtasan ng lahat," wika ni Cora.

(Larawan ni Boy Villasanta)


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.