Bagama’t pinuri ng mga mga grupong maka-kalikasan ang naging paninindigan ng mga Obispo ng Quezon at ni Governor Angelina "Doktora Helen" Tan laban sa pagtatayo ng mga bagong coal power plant sa lalawigan, binigyang-diin nila na ang tagumpay na ito ay dapat maging mitsa ng isang mas malawak na pagbabago.
Ayon sa kanila, ang pagpigil sa coal ay dapat humantong sa isang "Just Energy Transition," isang makatarungang paglipat sa malinis na enerhiya na nagtatanggol sa karapatan ng kasalukuyan at susunod na henerasyon o Intergenerational Equity.
Sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa enerhiya, nanawagan ang Ugnayan ng mga Magsasaka at Mangingisda sa Quezon (UGMMA) at mga lokal na lider-mangingisda para sa isang sistemang hindi lamang "green" kundi "just" o makatarungan para sa mga maliliit na sektor.
Geothermal at Coco-Biodiesel: Pamana sa Kinabukasan
Ayon kay Ramon Sangcap, Tagapagsalita ng UGMMA, ang tunay na seguridad sa enerhiya ay nakaugat sa pag-iwan ng isang malinis at nagsasariling sistema para sa kabataang Pilipino nang hindi isinasakripisyo ang kabuhayan ng mga manggagawa.
"Pinupuri natin ang 'No to new Coal’ ni Gov. Tan, pero ang hamon namin sa gobyerno at sa ating mga Obispo: Isulong natin ang Geothermal bilang strategic baseload ng kuryente. Ang Just Energy Transition ay nangangahulugang ang init ng ating lupa ang magpapatakbo sa ating mga pabrika at tahanan, sa paraang kayang bayaran ng masa at hindi nakakalason sa ating kinabukasan," ani Sangcap.
Binigyang-diin din ni Sangcap na ang paggamit ng Coco Levy Funds para sa industriyalisasyon ng Coco-Biodiesel ay isang kongretong halimbawa ng "Just Transition."
Sa halip na ang mga dambuhalang kumpanya ng langis ang kumita, ang mga pamilyang magsasaka sa Quezon ang magiging direktang benepisyaryo ng ating pagkalas sa imported na krudo.
Hustisya sa Baybayin at Karapatan ng Susunod na Salinlahi
Para naman kay Lito Lareta, lider-mangingisda mula sa Atimonan, Quezon, isa sa mga lider ng nga mangingisda sa Atimonan na tumututol sa tinatayong Atimonan 1Energy Coal Fired Power Plants, ang pag-iwas sa fossil fuels ay isang moral na obligasyon upang matiyak ang Intergenerational Equity.
"Ang Just Energy Transition para sa aming mga mangingisda ay ang pagtiyak na may malinis na dagat pang madadatnan ang aming mga apo. Ang polusyon mula sa coal ay krimen laban sa susunod na salinlahi," pahayag ni Lareta.
"Kailangan natin ng transportasyong makatao—modernong jeepney at bangkang pangisda na tumatakbo sa biodiesel at mga bike lanes—upang ang pag-unlad natin ngayon ay hindi nakakaltas sa yaman ng kalikasan na para sana sa mga kabataan ng mga susunod pang henerasyon."
Panawagan sa Simbahan at Pamahalaan
Hinimok ng grupo ang mga Obispo ng Quezon na maging boses ng katotohanan sa likod ng Just Energy Transition. Kasama rito ang pagtutulak sa mga smart efficiency policies gaya ng Hybrid Work Arrangements at ang 24°C standard sa mga aircon, kung saan ang matitipid na pondo ay dapat ibalik sa mga manggagawa bilang Inflation Relief Bonus.
"Ang tunay na pagsukat sa ating tagumpay ngayong 2026 ay kung nagawa nating baguhin ang sistema nang may hustisya. Hindi sapat na maging 'green' tayo; dapat ay 'just' o makatarungan ang bawat hakbang para sa kasalukuyan at para sa mga susunod pang Pilipino," ani Sangcap.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

