“Una sa Laguna” ang San Pedro City pagdating sa pagpapahalaga sa mga kababaihan.
Ito ang nais ipakita ng pamahalaang lungsod ng San Pedro, Laguna kasabay ng pagdiriwang ng lungsod ng National Women’s Month ngayong buwan ng Marso.
Nitong nakaraang Lunes, March 4, ay nagsagawa ang pamahalaang lungsod ng isang “Juana Walk” mula sa San Pedro City Plaza hanggang sa San Pedro City Hall upang ipakita ang pagmamahal at suporta para sa lahat ng kababaihang San Pedrense.
Pinangunahan ni Mayor Art Mercado ang nasabing aktibidad, kasama ang kanyang maybahay na si Mika Mercado; Vice Mayor Ina Olivarez; Laguna 2nd District Representative Ruth Mariano-Hernandez bilang kinatawan ni Laguna Governor Ramil Hernandez; at ang aktor na si Alden Richards.
Nakiisa rin sa naturang aktibidad ang mga empleyado ng pamahalaang lokal at mga kasapi ng iba’t ibang mga socio-civic groups sa lungsod ng San Pedro, mapa-lalake man o babae.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Mercado ang mga kababaihan ng lungsod na nakiisa upang maipakita ang kanilang pagsuporta sa mithiing "gender equality" ng pamahalaang lungsod.
"Malapit po sa aking puso ang buwan na ito dahil ako po mismo ay pinalaki sa isang environment na puno ng strong women," pahayag ng alkalde.
"Ito po ang pagkakataon na ipaalala sa atin ang maraming ambag ng mga kababaihan sa ating kasaysayan at lipunan, at patuloy natin silang pahalagahan upang tayo ay umasenso bilang isang bansang nagkakaisa," dagdag niya.
Samantala, binigyang-diin ng maybahay ng alkalde na si Mika Mercado ang natatanging lakas ng mga kababaihang San Pedrense, na siyang nagiging ambag nila sa sama-samang mithiin ng lungsod na maging “Una sa Laguna.”
"Kaya rin nating mga babae ang mga trabahong dati ay para lang daw sa mga kalalakihan. At makakamit lang natin ang 'gender equality' at 'inclusivity' na ating pangarap kung mabibigyan ng sapat at pantay na espasyo ang mga kababaihan sa ating lipunan," aniya.
Maliban sa naganap na Juana Walk, nagkaroon din ng pamamahagi ng hygiene kits para sa mga Women Deprived of Liberty sa tulong ng Bureau of Jail and Penology (BJMP) at Philippine National Police (PNP).
#WeTakeAStand #OpinYon #JuanaWalk