Sa bawat bayan, may mga negosyong hindi lang basta pinagkakakitaan kundi naging bahagi na ng kultura at araw-araw na buhay.
Sa Lucban, Quezon, ang pangalan ng Joe’s Lugaw House ay naging kaakibat ng mainit na lugaw at mainit na tinapay—kasama na sa mga kuwento ng pamilya at tagumpay.
Mula sa isang isang lamesa, kinikilala ngayon ang Joe’s Lugaw House bilang, marahil, ang pinakamatandang lugawan sa Lucban — isang patunay sa tibay at tagumpay ng negosyong nagsimula pa noong 1993.
Sa kabila ng mga pagsubok, kabilang na ang pagpanaw ng tagapagtatag na si Joselito Deazeta dahil sa liver cirrhosis, patuloy ang paglago at tagumpay ng kanilang pamilya at negosyo.
Itinatag ni Deazeta ang negosyo bilang isang tinapayan, bago ito pinalawak at ginawang lugawan noong 1993.
Sa simula, naupa lamang si Joselito sa puwesto ng lugawan, ngunit kalaunan ay ipinagbili ito ng may-ari.
“Si Daddy Joselito ang nagpasimula ng tinapayan at lugawan. Nang siya ay ma-diagnose at kalauna’y pumanaw dahil sa liver cirrhosis, mas lalo naming pinanghawakan ang negosyo upang mapanatili ang kanyang legasiya," ani Jet King, manugang ni Joselito at tagapagsalita ng negosyo.
Dahil limitado ang budget ng kanilang tatay, ang mag-asawang Jet at Jocelyn King ang nagdesisyong bilhin ang lupang kinatitirikan ng lugawan — hindi nila lubos maisip na tuluyang mawawala ang lugawan na kanilang minahal at pinagpaguran.
Sa Lucban, espesyal ang lugaw — hindi lang ito pagkain kundi bahagi na ng aming kultura. Marahil dahil malamig ang klima dito, masarap at nakagiginhawa ang mainit na lugaw, lalo na sa madaling araw.
"Maging ang mga mag-iinom, nagtatanggal ng lasing sa pamamagitan ng pagkain ng lugaw bago umuwi," natatawang kuwento ni Jet habang inaaalala ang mga kostumer na lasing.
Halos bukas palagi ang tinapayan at lugawan; may mga bumibili pa ng lugaw sa dis-oras ng gabi o madaling araw, habang ang mga nagtitinda ng pandesal ay maagang kumukuha ng paninda para ilako sa umaga.
Dahil dito, naging bahagi na ng buhay sa Lucban ang Joe’s Lugaw House—mapa-gabi, madaling araw, o umaga, may mainit na pagkain at tinapay na handog para sa lahat.
Ngayon, pinamamahalaan ng mag-asawang Jet at Jocelyn, kasama ang kanilang mga anak, ang operasyon ng Joe’s Lugaw House.
Patuloy na dumarami ang mga kostumer, at puno parati ang maliit na tindahan.
“Kumikita kami ng humigit-kumulang ₱10,000 kada araw, na may netong kita na ₱3,000. Maraming kustomer ang hindi pa rin namin mapagsilbihan dahil sa dami ng tao,” ani Jet.
“Laging bago at sariwa ang aming pagkain, at kilala kami sa tiwala ng mga pamilyang suki na namin sa loob ng maraming taon.”
Ngayong malaki ang pangangailangan, magpapalawak ang pamilya.
Isa sa kanilang mga apo, na nag-aaral ng Culinary Arts, ang mamamahala sa pagdagdag ng mga bagong putahe gaya ng silog meals at litson, pati na rin ang pagpapalawig ng oras ng panaderya.
“Hindi namin babaguhin ang paboritong lasa ng aming lugaw, ngunit nais naming makapagsilbi sa mas marami,” dagdag ni Jet.
Sa bawat mainit na lugaw na inihahain at pandesal na ipinapamahagi tuwing umaga, nananatili ang Joe’s Lugaw House bilang simbolo ng pagtitiyaga, pagmamahal sa pamilya, at malasakit sa komunidad ng Lucban.
Hangga’t may malamig na gabi at mga nangangailangang bumalikwas ng sigla, patuloy na magsisilbing tahanan ng lugaw ang Joe’s Lugaw House—isang tunay na yaman ng bayan.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #JoesLugawan

