Sa hirap ba ng buhay ngayon, pati pampasaherong jeepney ay tinatangay na?
Ito ngayon ang kamot-ulong tanong ng isang jeepney driver na nawalan ng hanapbuhay matapos umanong tangayin ang kanyang sasakyan sa loob mismo ng isang public terminal sa Calamba City, Laguna noong Lunes, March 9.
Personal na nagtungo sa Calamba City Police Station ang biktima na kinilalang si alyas "Glen," 48 anyos at residente ng Victoria, Laguna.
Kwento ni "Glen," pasado alas-dos ng hapon ng Lunes nang iparada niya ang kanyang pampasaherong jeepney na may plate number DWN-216 at biyaheng San Pablo-Calamba sa loob ng isang terminal sa Crossing Calamba.
Sandali niyang iniwan sa loob ng terminal ang jeepney para mag-meryenda, ngunit pagbalik niya ay nagulat siya nang matuklasang wala na sa lugar na pinagparadahan niya ang nasabing sasakyan.
Sa pagsisiyasat sa kuha ng CCTV sa loob ng terminal ay nakumpirmang tinangay ang nasabing jeepney habang nakaparada ito.
Nakilala naman ang suspek na si alyas "Renz," residente ng Barangay Pansol, Calamba City, Laguna.
Patuloy ang isinasagawang operasyon ng mga awtoridad upang mabawi ang nasabing sasakyan, gayundin upang madakip ang suspek.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

