Itinatayong museo sa Nuvali, mala-palayan ang design
OpinYon Laguna

Itinatayong museo sa Nuvali, mala-palayan ang design

May 5, 2025, 3:20 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Sa gitna ng makabagong Nuvali residential/commercial hub sa Santa Rosa City, Laguna, isang kakaibang istruktura ang kasalukuyang itinatayo na hinango ang disenyo sa mga palayan at bahay-kubo na dating makikita sa naturang lungsod.

Ang nasabing istruktura ay ang 22-palapag na Calma Museum for Architecture + Residences ng Calma Properties, isang makabagong museo na magtatampok ng husay at galing ng arkitekturang Pilipino.

Ito ay isang proyekto ng isang grupo ng magpipinsan na sina Carlo at Ed Calma, na kalauna'y sinamahan ng kapatid ni Carlo na si JP Calma. Si Ed Calma ay anak ng kilala ring arkitekto na si Lor Calma.

“Carlo and I would talk about a museum that could be a hub for cultural knowledge, exhibitions, archiving, and excessive cataloguing of the past, present, and future of architecture. It will also be a venue for architectural dialogue,” pahayag ni Ed Calma sa isang panayam sa Tatler Asia noong 2019.

Ang Museum for Architecture + Residences ay dinisenyo ng Hapones na arkitekto na si Sou Fujimoto, na nakilala na rin sa ibang bansa dahil sa kanyang mga disenyo na nagbibigay-halaga sa bukas na mga espasyo.

Sa disenyo ni Fujimoto, na itinanghal na finalist sa World Architecture Festival (WAF) Awards 2021, ay makikita ang tila pinagpatong-patong na mga parisukat na sa unang tingin ay hindi masasabing isang matinong gusali.

Ngunit ayon sa mga Calma, ang naturang disenyo ay nagpapaalala sa mga malalawak na palayan na siyang dating parte ng Santa Rosa City.

Matatandaang simula noong dekada ’80, ang nasabing mga malalawak na palayan ay unti-unting naging mga malalawak na industrial at commercial complexes matapos pasimulan ng lungsod ang industrialisasyon na siya ngayong naging pangunahing sektor ng ekonomiya ng una at ikalawang Distrito ng Laguna.

“The rice paddies are in a grid but flipped up vertically and three-dimensionally. So, it really blends with the area, which is flat, and was once rice fields," ayon kay Ed Calma.

Bukod sa pagiging museo, isa itong mixed-development project, kung saan magkakaroon rin ng mga residential apartment at commercial space.

Masasalamin sa nasabing gusali ang isang bisyon ng mga Calma: “Maverick projects that push the boundaries in architectural thinking and design, [as well as about] promoting preservation of heritage, the environment, and very culturally informed projects.”

Para sa kanila, ang itinatayong Museum for Architecture + Residences ay hindi lamang magiging isang gusali: ito ay magiging isang puntahan ng mga magagaling na arkitekto, inhiniyero at iba pang mga "thinking minds" na may layuning baguhin ang mga kasalukuyang konsepto sa pagtatayo ng mga istruktura sa Pilipinas.

"Building has always been compartmentalized. An architect designs, a landscaper takes care of the outdoors, an engineer makes sure the structure is sound. But this shouldn’t be. Real architecture is about merging all these disciplines into one vision," ayon kay Ed Calma.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.