Nauwi sa malagim na patayan ang masayang pag-iinuman sa loob sa dalawang magkakahiwalay na lugar sa Laguna Lunes, November 25.
Sa Calamba City, dead on the spot ang tatlong biktima na kinilala sa mga alyas na "Felix," 64 anyos; "Vivian;" at "Dante;" pawang mga residente ng Santo Niño Compound, Barangay Mayapa, nang matagpuan sa loob ng isang barong-barong sa naturang lugar.
Sa pahayag ng isang hindi pinangalanang testigo sa Calamba police, huli niyang nakitang nag-iinuman ang tatlong biktima kasama ang isang alyas "Anthony" na residente rin ng naturang lugar.
Habang natutulog umano ang tatlong biktima sa loob ng bahay ay doon na umano sila pinagpapalo ng bakal ni "Anthony."
Posibleng nagtangka pang humingi ng saklolo ang isa sa mga biktima dahil natagpuan ang kanyang bangkay sa labas ng bahay.
Lumabas naman sa pagsisiyasat ng mga awtoridad na posibleng crime of passion ang nangyaring krimen.
Ayon sa testigo, kinompronta umano ni "Anthony" ang isa sa mga biktima dahil sa umano'y pakikipagrelasyon nito sa kanyang live-in partner.
Pinagbantaan pa umano ng suspek ang biktima na papatayin ito kapag nakita ulit niya ito.
Nadakip naman sa isang manhunt operation ang suspek na ngayo't nahaharap sa patong-patong na kasong murder.
Samantala, isang 38-anyos na lalaki ang pinagsasaksak ng kanyang kainuman sa Barangay Timbao, Biñan City noong araw ding iyon.
Ayon sa mga saksi, nakikipag-inumnan umano ang biktima na kinilalang si alyas "Francis" sa kanyang kapitbahay na kinilalang si alyas "Ruel" sa loob ng isang compound sa Barangay Timbao nang mauwi sa pagtatalo ang kanilang kwentuhan.
Dito na umano kumuha ng kutsilyo si "Ruel" at pinagsasaksak sa tiyan ang biktima.
Isinugod pa sa ospital si "Francis" ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Isang follow-up operation ang ikinasa ng mga awtoridad upang madakip si "Ruel" na tumakas matapos ang insidente.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews