Kahit na nga matagal nang inasahan ng mga taong malapit kay ex-President Rodrigo Duterte ang pag-aresto sa kanya ng International Criminal Court (ICC), ang pangyayari sa airport at Villamor Air Base noong Martes ay ikinagulat pa rin ng marami.
Kabilang si Senator Imee Marcos sa mga nabigla sa bilis ng mga pangyayari sapagkat kararating lamang nina Duterte, ang kanyang anak na si Kitty at mga kasama mula sa isang biyahe sa Hong Kong nang sinalubong ito ng pag-aresto ng mga pulis.
Sa imbes na dalhin sa PNP headquarters sa Camp Crame, si Duterte ay dinala ng mga pulis sa Villamor, kung saan siya na-detain ng mahigit sa 17 oras. Kasama niya si Veronica o Kitty at ang dating executive secretary na si Salvador Medialdia. Kahit na kailangan ni Digong ng medical attention ay hindi siya pinaduktor ng mga humuli sa kanya, at bahagya nang pinakain.
Matapos ang 17 oras ay inilipad na siya ng isang eroplano patungong The Netherlands, upang humarap sa kanyang kasong crimes aBgainst humanity sa hukumang ICC.
'Awang-awa ako'
Naglulumo sa awa at hinagpis si Senadora Imee Marcos habang pinapanood ang mga pangyayari kay Duterte. Sa labas lamang ng Villamor, sa TV at social media.
Bumalik sa alaala ni Imee ang kalunus-lunos na sinapit ng kanyang ama, si Pangulong Ferdinand E. Marcos, na pinatalsik din at mistulang kinidnap ng mga Amerikano upang dalhin sa Hawaii, kasama silang mga kapamilya nito.
"Awang-awa ako kay President Duterte," sabi ni Imee sa isang interview.
"Medyo nabigla ako sa pangyayari na inaresto si Presidente Duterte at hindi ako makapaniwala eh. Medyo nayanig ako masyado. Kawawa naman, kawawa naman si Presidente Duterte," sabi ng senadora.
Ayon kay Imee, ang pagkaaresto sa dating Pangulo ay mas tungkol sa pulitika kaysa sa katarungan, at puedeng maging mitsa ng lalo pang kaguluhan.
"Hindi na tayo natuto. Gulo lang ang dulot nito. Walang pakinabang ang naghihirap sa bangayang pulitika. Parang naging siklo na. Gumanda ba ang buhay natin dahil sa pamumulitika?" tanong ni Imee.
Mga Pangulong pinatalsik
Nagbalik-alaala si Imee noong 1986 nang ang kanyang ama, Presidente Ferdinand Marcos Sr., ay pinatalsik ng People Power revolution ni Cory Aquino. Naantig din ang kanyang damdamin nang mawala sa puwesto sina Joseph "Erap" Estrada at nang ikulong si Gloria Macapagal Arroyo, na kapuwa presidente rin.
Naitanong tuloy ni Imee ang mga sumusunod: "Umasenso ba ang ating bansa? Sa lahat ng mga nakakahiyang yugto sa ating pulitika, gantihan nang gantihan, awayan nang awayan. Yumaman ba, nabusog ba? Sumaya ba ang taumbayan?"
Samantala, hindi dumalo si Imee Marcos sa campaign rally ng Alyansa 12 sa Tacloban City noong Marso 14.
Nagpaumanhin siya sa kanyang mga kababayang Waray dahil hindi siya makadadalo sa rally.
"Hindi ko matatanggap ang ginawa kay Presidente Duterte," sabi ni Imee.
Mapupunang ang mga babaing kandidato ay hindi rin dumalo sa nasabing rally sa Tacloban. Sila'y sina Pia Cayetano, Camille Villar, at Imee Marcos.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #ICC