Iligal na vape products, nasabat sa Laguna
OpinYon Laguna

Iligal na vape products, nasabat sa Laguna

Jul 15, 2025, 5:49 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Aabot sa P30 milyon na halaga ng mga unregistered vape products ang nasabat ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang operasyon na isinagawa sa Biñan City, Laguna nitong nakaraang Lunes, July 7.

Tatlong suspek na kinilalang sina Kert Simbajon, Javier Dirampatun, at Romeo Cada ang naaresto sa nasabing operasyon, ayon kay NBI Director Jaime Santiago.

Sa isang press release, inihayag ni Santiago na ang nasabing operasyon ay bunga ng masusing surveillance operation ng mga tauhan ng Special Task Force ng NBI (NBI-STF) sa pagbebenta ng mga illegal vape product sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna.

Sa pamamagitan ng mga online transaction, test-buy operation at pakikipag-usap sa mga suspek ay nakumpirma ng mga undercover agent ng NBI ang nasabing iligal na aktibidad.

Nakipagkita ang mga ahente ng NBI sa tatlong suspek, kung saan dinala nila ang mga undercover agent sa isang storage facility sa Laguna kung saan nakaimbak ang mga vape product.

Nasamsam sa nasabing pasilidad ang 40,500 piraso ng vape products na aabot sa P31,995,000 ang market value, gayundin ang 3,880 vape pods na may halagang P640,220.

Nakadetine na sa custodial facility ng NBI ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 4(d) at 18 ng Republic Act No. 11900 (Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act), at Section 8 ng RA 11900 in relation to RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

(Larawan mula sa NBI Facebook page)

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #NBI


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.