Dalawang lalaki ang nahuli sa akto na iligal umanong nagre-refill ng mga tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa San Pablo City, Laguna noong Sabado, May 9.
Kaagad hinuli ng mga tauhan ng San Pablo City Police ang dalawang suspek na kinilala lamang sa mga alyas na "Melvin," 39 anyos at residente ng Barangay Lalakay, Los Baños, Laguna; at alyas "Rodney," 35 anyos at residente ng Barangay Santa Cruz Putol, San Pablo City, Laguna.
Ayon sa ulat ng San Pablo City Police Station, nagsasagawa umano ng police patrol operation ang mga tauhan nila sa bahagi ng Barangay San Vicente noong madaling-araw ng Sabado nang mapansin nila ang isang LPG tanker na nakaparada sa madilim na bahagi ng kalsada.
Nang makita ng mga pulis ang dalawang suspek na nagkakarga ng mga tangke ng LPG sa isang delivery truck na nakaparada sa tabi ng tanker ay doon na sila naghinala at sinita ang mga ito.
Doon na nadiskubre ng mga awtoridad na sangkot pala ang mga suspek sa pagre-refill ng mga tangke ng LPG nang walang kaukulang permit.
Bukod sa tanker at delivery truck ay nakumpiska rin ang 40 piraso ng mga tangke ng LPG.
Kaagad dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek na nahaharap sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, as amended by Presidential Decree No. 1865 (Illegal Possession of Petroleum Products) at Republic Act No. 7394 (Consumer Act of the Philippines).
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

