Sa gitna ng papainit at mas magulong sitwasyong pulitikal sa bansa, pagkakaisa at pakikipagtulungan ang dapat na pairalin sa mga komunidad.
Ito ang layunin ng “Lapian Unlad Biñan,” isang local political organization na itinatag sa Biñan City, Laguna kamakailan.
Sa naging panayam sa kanya ng OpinYon Laguna, binigyang-diin ni Roman Carencia, convenor ng Lapian Unlad Biñan, na nakita ng mga local leader sa lungsod ang pangangaliangan para sa isang lokal na organisasyong pulitikal, kagaya ng ginagawa ngayon sa ibang bahagi ng bansa.
Mahalaga ito aniya lalo na’t masalimuot ngayon ang sitwasyong pulitikal sa pambansang lebel.
“Ito yung isang bagay na pwedeng ipagmalaki ng bawat Biñanense, bakit? Hindi natin kailangan magpasakop sa isang national political party, lalo na’t nakikita natin na ‘kampihan’ na ang lagay sa pambansang pulitika,” pahayag niya.
Ginanap na kamakailan ang halalan ng mga opisyal ng nasabing organisasyon, kung saan itinalagang pangulo si dating Biñan City Representative Len Alonte, pangalawang pangulo si Biñan City Vice Mayor Dada Reyes, at secretary-general si Biñan City Representative Arman Dimaguila.
Kabilang din aniya sa board of trustees ng Lapian Unlad Biñan ang mga kilalang civic leader at negosyante sa lungsod.
Higit sa pulitika
Para kay Carencia, mahalaga na hindi mahadlangan ng mga sigalot sa pulitika ang mga programa at proyekto ng pamahalaang lungsod ng Biñan para sa ikauunlad ng lungsod.
“Isang bagay kasi ito na pwede namin i-inherit sa mga susunod na henerasyon ng Biñanense, na hindi kailangan ma-suppress yung progress na meron ngayon sa lungsod ng Biñan dahil lang sa iisang political party,” kuwento niya sa OpinYon Laguna.
“Kasi, siyempre, kaakibat din naman ang progreso ng isang lugar, kailangan may political will din ang mga leader ng henerasyon ngayon. Ngayon, ang tinitignan ng mga kasalukuyang leader ng lungsod ng Biñan ay 10 years from now, 20 years from now, wala naman iba kaming pupuntahan kung hindi, di ba, kapag in-attempt mo na maging lungsod, sa sunod niya magiging lone district ka, sa susunod naman ang lone district, highly urbanized city ka na.
“Kung ma-meet na namin yung time na yun, preparado rin ang lungsod ng Biñan. Preparado ang mga tao. Kailangan kasi, alam ng tao yan na hindi kami pwedeng i-suppress ng anumang pulitika dahil may sarili kaming political party.”
Gayunpaman, iginiit niya na hindi lamang isang partido pulitikal ang Lapian Unlad Biñan kundi isang samahan ng mga Biñanense na may nagkakaisang layunin na ipagpatuloy ang pag-unlad ng lungsod.
Para sa kanya, ang Lapian ay isang paraan upang maipakita sa mga susunod na henerasyon ang kahalagahan ng pagkakaisa, pakikipagtulungan at pagsasantabi ng mga personal o pulitikal na hidwaan upang magtrabaho para sa kapakanan ng bawat Biñanense.
“Dito sa Lapian Unlad Biñan, gusto namin na ma-develop yung mga susunod na henerasyon, kung saan kahit na sinong Biñanense, from all walks of life, pwedeng mag-extend ng kanilang ambag. Kung saan ka makakatulong sa lungsod ng Biñan, doon ka,” paliwanag niya.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #“LapianUnladBiñan

