Gayong kinikilala ng mga awtoridad ang lehitimong posibilidad ng mga umano'y extortion activities ng mga kasapi ng New People's Army (NPA), hindi rin nila isinasantabi ang posibilidad na may mga criminal group na gumagamit ng pangalan ng rebeldeng grupo upang mangikil ng mga sibilyan.
Isa sa mga umano'y nabiktima ng pangingikil ng mga impostor ay isang hukom sa Pila, Laguna na nagsabing tinangka umano siyang kikilan ng nagpakilalang miyembro ng NPA noong Linggo, March 30.
Lumapit sa Pila Municipal Police Station ang biktima na kinilalang si "Artemio," 39 anyos at kasalukuyang Presiding Judge sa Municipal Trial Court (MTC) ng nasabing bayan, upang iulat ang nasabing insidente.
Ayon sa hukom, nakatanggap siya ng text message mula sa isang "Jefrey Rosal" na nagpakilalang kasapi ng NPA, kung saan nanghingi umano ito ng perang pambili ng bigas.
Nagbanta rin umano si "Jefrey" na lulusubin ng mga miyembro ng NPA ang resort na pag-aari ng hukom sa Barangay San Miguel kung hindi ito magbibigay ng pera.
Nakatanggap rin umano ng pagbabanta ang management ng resort mula sa suspek, dahilan upang i-report ni "Artemio" ang insidente sa mga awtoridad.
Habang walang nakikitang banta ng anumang aktibidad mula sa mga kasapi ng NPA ang mga awtoridad sa lalawigan ng Laguna, patuloy ang isinasagawang pagbabantay ng kapulisan sa mga magtatangkang manggulo ngayong nagsimula na ang panahon ng pangangampanya sa mga lokal na posisyon para sa darating na May 12 elections.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #CPPNPA