Personal na ibinahagi ni Santa Cruz, Laguna Mayor Benjo Agarao sa Senado ang nagkakaisang hinaing ng kanyang nasasakupan sa palpak umanong serbisyo ng PrimeWater Infrastructure Corporation sa nasabing bayan.
Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Public Works nitong Lunes, September 29, ibinahagi ng alkalde ang naging kalbaryo ng mga residente ng Santa Cruz simula nang pumasok sa isang joint-venture agreement (JVA) ang Santa Cruz Water District at PrimeWater noon pang 2019.
Aniya, palaisipan para sa kanya ang nasabing JVA dahil maayos naman ang serbisyo at kita ng local water district.
Ang tugon ng Santa Cruz Water District, ilalaan daw nila ang malilikom na pera sa kanilang pondo upang maipatayo ang proyektong Surface Water Treatment Facility, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nasisimulan.
Kasama kasi ang nasabing facility sa mga naging pangako ng Prime Water sa ilalim ng kanilang JVA.
Inilahad din ni Mayor Agarao sa mga senador ang mga naitalang “poor at bad services” ng PrimeWater na paulit-ulit nang nirereklamo ng mga konsyumer:
- Marumi at may kulay ang lumalabas na tubig sa mga gripo.
- Hindi angkop ang tubig para gamiting pangluto ng pagkain.
- Matagal at malawakang water interruptions sa mga household at commercial establishment.
- Inadequate water pressure and water quality.
- Public health at sanitation risks dahil sa unreliable access sa potable water.
- Karamihan sa 17 pumping station ng Prime Water ay hindi maayos ang maintenance.
Ito raw ang naging mitsa para haingan ng show cause order ang naturang water service provider noong September 10, na maaaring magresulta sa pagsuspinde ng kanilang business permit at license.
Dumipensa naman ang PrimeWater sa nasabing order noong September 13, ngunit hindi raw ito naging sapat dahil hindi natugunan at nagbigyang linaw ang mga hinaing ng mamamayan ng Santa Cruz.
Dahil dito, handa na raw siya na i-suspend ang business permit at license ng PrimeWater dahil sa patuloy na “unresolved problems” ng kanilang serbisyo.
“Hindi ko po hahayaang magdusa ang aking mga kababayan sa binibigay na serbisyo po ng Prime Water, Your Honor. Kaya po, lahat po ng legal na kaparaanan ay amin pong gagawin. At una-una nga po dito ay ang pagsuspend po ng business permit to operate po ng Prime Water sa bayan po ng Santa Cruz,” paliwanag ni Agarao.
Handa naman daw saluhin ng Santa Cruz Water District kung sakaling kailangan nilang saluhin ang naudlot na serbisyo ng PrimeWater, dagdag pa niya.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #SantaCruzWaterDistrict #PrimewaterSantaCruzLaguna