Sa bawat hibla ng pandan na maingat na hinahabi, isang kuwento ng kabuhayan, tiyaga at pamana ang nabuo sa Cavinti, Laguna.
Kilala ang bayan sa tradisyon ng paggawa ng sambalilo, ngunit higit pa sa isang sombrero ang bawat produkto na nililikha ng mga maglalala.
Para sa mga pamilya sa Cavinti, ang pandan ay naging dagdag na kita at katuwang sa pagpapaaral ng kanilang mga anak.
Isa sa patuloy na nagsusulong sa tradisyong ito si Marisol Reyes Miras, isang social entrepreneur at MSME na sinusuportahan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Natutunan niya ang paglalala mula sa kanyang biyenan noong panahon ng Covid-19 pandemic, kung saan maraming kabuhayan ang natigil.
Sa kabila nito, nagpatuloy ang paghahabi dahil likas na matatagpuan sa Cavinti ang pandan.
Mula sa pag-aani ng mature na dahon, pagpapatuyo sa araw, “iluhan” isang kagamitang ginagamit upang lumambot, hanggang sa “bulayan” upang maging strips, bawat hakbang ay nangangailangan ng tiyaga at kasanayan bago maging isang magandang handicraft.
Para kay Miras, ang bawat order ay higit pa sa isang produktong binebenta, ito ay pagkakataong makapagbigay ng kabuhayan at saya sa iba.
“Hindi lang sarili ko ang nagtutulungan kong kumita. Mas masarap sa pakiramdam na napapasaya ko ang buyer, habang nakatutulong din ako sa mga kasama kong maglalala,” ani Miras.
Ngunit habang patuloy na hinahabi ang pandan, may pangamba ring unti-unting mawala ang tradisyon.
Marami sa mga bihasang maglalala ay tumatanda na, habang kakaunti pa lamang ang kabataang natututo ng kasanayan.
Dagdag pa rito ang maulang panahon sa Cavinti na nagpapahirap sa pagpapatuyo ng mga dahon.
Sa kabila ng mga hamon, nananatili ang pag-asa ni Miras na mas maraming kabataan ang matutong maglala, mas makilala ang mga artisan, at mas mapaunlad ang tradisyon sa pamamagitan ng mga makabagong disenyo at customized na produkto.
Dahil sa Cavinti, ang bawat habi ay hindi lamang produkto, ito ay kabuhayang ipinaglalaban, kulturang pinangangalagaan, at pamana na nais ipasa sa susunod na henerasyon.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

