Sa layuning mas mapalalim ang pagpapahalaga sa kasaysayan at kultura ng lalawigan, inilunsad ng Quezon Province Heritage, History, Culture and Arts Council (QPHHCAC) ang mga hakbang upang maideklara bilang national treasure ng Pilipinas ang tatlong mahahalagang estruktura sa lalawigan.
Kabilang na rito ang Capitol Compound sa Lucena City, ang lumang Munisipyo ng Sariaya, at ang Quezon Province Welcome Arch sa bayan ng Tiaong.
Ang panukalang ito ay unang inihain ni John Valdeavilla, Vice Chairman for External ng QPHHCAC, noong nakaraang taon.
Ibinahagi ni Valdeavilla ang kahalagahan ng inisyatiba, na aniya ay isang makasaysayang hakbang hindi lamang para sa Quezon kundi maging sa buong bansa.
“Ang inisyatibang ito ng Pamahalaang Panlalawigan ay kauna-unahan sa buong Pilipinas. Wala pang pamahalaang panlalawigan ang nagsagawa ng ganitong hakbang noon. Kadalasan, mga samahan para sa kasaysayan at pamana o mga pamahalaang bayan lamang ang naghahain ng ganitong kahilingan,” pahayag ni Valdeavilla sa OpinYon Quezonin.
Noong May 4 hanggang 5, isinagawa ng konseho ang masusing pagbisita at inspeksyon sa mga nabanggit na estruktura. Layunin ng mga opisyal na matiyak na tumutugon ang bawat isa sa mga pamantayan ng pagiging isang Pambansang Yamang Kultural.
Nakatakda namang isumite ng QPHHCAC ang opisyal na petisyon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa darating na May 18.
Inaasahang mailalabas ng ahensya ang resulta ngayong August 2026.
“Kapag naaprubahan, ito ang magiging kauna-unahang kinikilalang Pambansang Yamang Kultural sa Ikalawang Distrito ng Quezon. Ipinapakita nito na hindi lamang ang Tayabas ang may angking kayamanang pangkasaysayan, kundi pati na rin ang iba’t ibang bayan sa ating nasasakupan. Ito ay magiging dangal ng lalawigan at malaking tulong din upang mas mapalakas pa ang pagtataguyod sa turismo ng bawat lugar,” mariing pahayag ni Valdeavilla.
Ang deklarasyon bilang Pambansang Yamang Kultural ay itinuturing na pinakamataas na pagkilalang ipinagkakaloob ng national government sa mga istrukturang may malalim na ambag sa kasaysayan at kalinangan ng bansa.
(Larawan mula sa Quezon Provincial Tourism Office)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

