Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa panloloob sa isang hardware store sa Calamba City, Laguna noong Biyernes, July 10.
Sa ulat ng Calamba City Police Station, naganap ang nasabing insidente noong gabi ng July 10 sa isang branch ng nasabing hardware store sa Barangay 2.
Personal na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang supervisor ng tindahan na kinilalang si alyas "Marjorie," 29 anyos at residente ng Calauan, Laguna, upang ireport ang insidente.
Ayon sa salaysay ni "Marjorie," nang bubuksan na nila ang nasabing hardware store noong umaga ng July 11 (Sabado) ay napansin nilang nakabukas ang mga emergency light at may naiwang bag sa cashier's area ng tindahan, habang nakasabog naman sa mga pasilyo ang ilang mga tinda.
Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng tindahan, nadiskubre nilang sinira ang likurang pintuan na posible umanong pinasukan ng mga suspek.
Aabot sa P51,000 na halaga ng cash at hindi pa matukoy na halaga ng mga paninda ang tinangay sa naturang tindahan.
Sinira rin umano ng mga kawatan ang CCTV system ng tindahan, dahilan upang hindi makuhaan ang aktwal na panloloob.
Tinitingnan naman ng mga awtoridad ang mga kuha ng CCTV system ng mga kalapit na establisyimento upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

