Guro, patay sa salpukan ng motor
Accidents

Guro, patay sa salpukan ng motor

Mar 2, 2026, 6:09 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Isang guro ang nasawi matapos salpukin ng isang kotse ang sinasakyan niyang motorsiklo sa Calamba City, Laguna noong Linggo, February 22.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Pamana Medical Center sa nasabing lungsod ang biktima na kinilala sa alyas na "Aileen," 27 anyos at residente ng Barangay Palingon, Calamba City.


Sa paunang ulat ng Calamba City police, naganap ang nasabing aksidente bandang 4:30 ng madaling-araw sa bahagi ng J. P. Rizal St. sa Barangay 6.


Sakay umano ang biktima ng isang motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasintahan na kinilalang si alyas "Agusto," 27 anyos at residente ng Barangay Bucal ng lungsod na ito.


Pagsapit umano sa kanto ng J. P. Rizal St. at M. H. Del Pilar St. ay biglang tumawid sa kalsada ang isang Toyota Wigo na minamaneho ng isang alyas "Jebson," dahilan upang mabangga niya ang motorsiklo.


Sa lakas ng salpukan ay tumilapon sa kalsada ang magkasintahan.


Naisugod pa sa ospital si "Aileen" ngunit pumanaw rin siya habang ginagamot dahil sa tinamo niyang pinsala sa ulo.


Samantala, inihahanda na ng Calamba City police ang kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries and damage to property laban sa driver ng kotse.


(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #Accident




We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.