Gun-for-hire group, nasakote
Arrest

Gun-for-hire group, nasakote

Mar 18, 2025, 3:23 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Pitong hinihinalang kasapi ng isang gun-for-hire group ang nadakip sa isinagawang operasyon sa Dasmariñas City, Cavite nitong nakaraang Lunes, March 10.

Sa press release ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP), nasakote ang pitong suspek na kinabibilangan ng isang babae at anim na lalake sa kanila umanong hideout sa Barangay Salawag, Dasmariñas City, Cavite, malapit sa boundary ng San Pedro City, Laguna.

Dalawa sa mga suspek na kinilalang sina alyas "Eduard" at alyas "Jesus" ay mga kasapi umano ng dalawang criminal syndicates, ang Javier Crime Group at Caminero Crime Group.

Ayon kay Director Maj. Gen. Nicolas Torre III, ang nasabing mga crime syndicate ay sangkot umano sa gun-running at gun-for-hire activities sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang iba't ibang mga matataas na kalibre ng baril gaya ng M16, mga bala, at hinihinalang drug paraphernalia.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at sa gun ban na ipinatutupad ngayon ng Commission on Elections Comelec), bukod pa sa paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Naka-full alert na ang kapulisan sa buong Calabarzon region ngayong papalapit na ang panahon ng pangangampanya para sa mga lokal na posisyon para sa May 12 midterm elections, na nakatakdang magsimula sa March 28.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #CIDG #PNP


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.