Tumagilid ang isang truck na kargado ng saku-sakong lukad nitong Biyernes ng gabi, January 23 sa Brgy. Progreso Purok 6, Gumaca, Quezon na naging sanhi pa ng pagkabahura ng ilan pang sasakyan,
Sa Facebook post ng Karepa TV, nahihirapan ang mga biyahero na makadaan sa lugar dahil sa bako-bako at maputik na daan.
Matagal nang concern hindi lamang ng mga residente ang kalye kundi ang mga biyahero papuntang Bicol lalo na ang Maharlika Highway na nagsisilbing arterya sa iba't ibang lugar sa Southern Tagalog.
Noong March 2025, naganap ang isang aksidente na ikinasugat ng anim na tao, kung saan iniulat na nawalan ng preno ang isang truck sa pababang bahagi ng kalsada.
Noong nakaraang taon, tinawag ni Obispo Eugenius Cañete ng Diocese of Gumaca ang Maharlika Highway sa lugar bilang pinakamasama sa Calabarzon.
Nabansagan din ang lalawigan ng Quezon bilang "lubak capital" ng Pilipinas at tinayang 70% ng 4th District segment ng highway ay nangangailangan ng agarang pagkukumpuni.
Ayon naman sa ilang netizens, nasa Quezon Province ka na kung ang dinadaanan ng iyong sasakyan ay tila parang sungkaan.
Sa totoo lang, may ilang hakbang namang ginawa ang ahensya. Noong Agosto 2025, ipinatupad ang isang one-way traffic scheme para sa reblocking works – ikawalong beses na ito sa Gumaca sa loob ng taon.
Napaulat din ang lumobong pondo ng Department of Public Works and Highway (DPWH) ngunit band-aid solution lamang ang kanilang naibibigay sa halip na pangmatagalan.
Idagdag pa ang "allocables" ng mga iba't ibang distrito sa Quezon na bilyon ang halaga.
Kamakailan, binisita ni DPWH Secretary Vince Dizon sa lalawigan ng Quezon para direktang suriin ang mga kondisyon ng kalsada at pag-usapan ang mga plano para sa pag-aayos nito.
Bukod pa rito, ibinahagi ng kalihim na inaaral na ng DPWH ang pagpapalawak ng Gumaca bypass road para mapagaan pa ang trapiko sa mahalagang ruta ng Maharlika Highway.
Lahat ay umaasa sa magandang kalsada para makarating sa trabaho, paaralan, at pamilihan – ngunit sa mga lugar tulad ng Quezon, lalo na sa Gumaca, ang pagbiyahe ay naging isang parusa.
Ang kamakailang pagtigilid ng trak sa Barangay Progreso ay isa lamang bunga ng matagal nang problema na hindi pa rin nakakakuha ng ganap na solusyon: ang masamang kondisyon ng ating mga kalsada.
Hindi lamang oras ang nawawala sa mga biyahero dahil sa mga lubak, sira-sirang aspalto, at mga bara sa daan. Ang isang biyahe na dapat ay dalawang oras ay nagiging tatlo o apat na oras – oras na maaari sanang gamitin para sa trabaho, pamilya, o pagpapahinga.
Mga driver ng pampublikong sasakyan tulad ng traysikel, bus, at trak ang una at direktang nadadama ang epekto: mas maraming gasolina ang natatapon, mas mabilis na nasisira ang mga sasakyan, at mas mataas ang gastos sa pagkukumpuni na kadalasan ay ibinabahagi sa mga pasahero sa pamamagitan ng tumaas na bayad sa pamasahe.
Ngunit hindi lamang ang mga indibidwal ang nagdurusa. Ang mga produkto mula sa mga probinsya – bigas, gulay, prutas, at iba pang bilihin – ay dumadaan sa mga sira-sirang kalsada.
Ang matagal na biyahe at pagkabigat ng daan ay nagdudulot ng pagkasira o pagkasira ng kalidad ng mga paninda. Mga magsasaka at negosyante ang nagkakaroon ng pagkalugi, habang ang mga mamimili naman ang nagbabayad ng mas mataas na presyo dahil sa dagdag na gastos sa transportasyon at pagkawala ng produkto.
Ang pagbisita ni Sec. Dizon kamakailan sa Quezon ay isang magandang senyales, ngunit kailangan ito ng aksyon na may kinalaman sa resulta. Hindi sapat ang mga inspeksyon at plano lamang – kailangan nang mabilis, epektibo, at pangmatagalang solusyon na makakapagbigay ng ligtas at maayos na daan para sa lahat.
Ang mga kalsada ay ugat ng pag-unlad ng isang lalawigan. Kung patuloy na masama ang mga ito, patuloy din na mababagal ang paglago ng ekonomiya at maghihirap ang mga mamamayan.
Kailan ba matatapos ang paghihirap ng mga biyahero?
Panahon na para gawin itong katotohanan – hindi sa mga salita lamang, kundi sa mga aksyon na makikita at mararamdaman ng lahat.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #RoadRepair

