Pinangunahan ni Mayor Anthony "Kuya Piwa" Lim ang pagsira sa mahigit 100 na nakumpiskang open pipe at modified muffler gamit ang pison ngayong Lunes, January 19.
Maaaring hindi pa ito ang literal at final na goodbye ngunit isang malakas na mensahe ng lokal na pamahalaan na seryoso silang ipatupad ang mga batas laban sa mga ito.
Ang operasyon ay alinsunod sa memorandum ng Land Transportation Office (LTO) at sa pamumuno ni P/Lt. Col. Alizabeth Capistrano ng Tayabas City Component Police Station, na patuloy na nagsasagawa ng mga checkpoint at operasyon para hulihin ang mga lumalabag.
Kasabay din ito ng pambansang kampanya ng Philippine National Police (PNP) na palawakin ang pagpapatupad ng mga batas laban sa maingay na tambutso upang bawasan ang noise pollution at itaguyod ang disiplina sa kalsada.
Sa ibang lalawigan tulad ng Bulacan at Negros Occidental, ginagawa na rin ang katulad na aksyon ng pagkasira ng mga nakumpiskang kagamitan.
Bagama't malakas na ang paghihigpit, patuloy pa ring nanawagan ang mga awtoridad sa mga mamamayan na gumamit lamang ng stock o orihinal na tambutso, o maglagay ng tamang silencer para maiwasan ang huli, pagkumpiska, at multa.
Kaya habang patuloy na lumalakas ang operasyon, depende pa rin sa pagsunod ng mga mamamayan kung ganap na mawawala na ang mga open pipe at modified muffler sa Tayabas City.
(Mga larawan mula sa Tayabas CICRO)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

