Kakayanin ba ng Gobernador ng Quezon ang trabaho bilang pinuno ng Regional Peace and Order Council (RPOC) sa CALABARZON? Nagawa na ba niyang pagbutihin ang kalagayang pang-kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng sariling lalawigan? Kamakailan ay kabi-kabila ang magagandang balita hinggil sa sitwasyon ng peace and order sa ibat-ibang bayan sa lalawigan ng Quezon. Patunay na epektibo ang ginagawang programa ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng administrayon ni Gobernador Angelina Tan sa sarili nitong balwarte. Ito nga ba ang dahilan kung bakit siya ang pinagkatiwalaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mamuno sa konseho ng peace and order sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon? Isang malaking responsibilidad ang nakaatang sa balikat ni Tan, na malugod na tumatanggap ng hamon sa papel ng isang babae sa lipunan at pamahalaan.
Itinalaga ang Gobernadora ng lalawigan ng Quezon bilang Chairperson ng Region IV-A Peace and Order Council.
Inanunsyo ng Malacañang sa pamamagitan ng Presidential Communications Office (PCO) noong Martes, Marso 14, ang mga bagong talaga sa posisyon ng Regional Peace and Order Council (RPOC) ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Hinirang si Gob. Angelina "Helen" Tan para sa rehiyong binubuo ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal, at Quezon (CALABARZON).
Siya ang mamumuno sa RPOC na may mandato sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Mensahe sa mga kababayan
Ang pagtatalaga kay Tan bilang isang pinuno sa pangrehiyong konseho ay patunay na ang kababaihan ay may lugar sa pamumuno dito sa bansa.
Ito rin ang mensahe ng Gobernador sa mga kababayan nang siya ay magsalita sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Kababaihan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Tan na may mga karapatan ang mga babae, at ang kakayahan ay hindi dapat na limitahan.
Aniya, “Hindi tayo babae lang. Mga babae tayo, matapang, determinado, at may malawak na pangarap para sa lahat.”
“Women are limitless and decisive,” sabi pa niya, “hindi na lang tayo pang-bahay lang. Kaya nating tumayo sa sarili nating mga paa at lumipad nang matayog para abutin ang ating mga minimithi sa buhay."
Pagpapatuloy ng Gobernador,
“Tayo rin ang mga bayani n gating pamilya at ating sarili dahil ano mang unos na dumaan, kayang-kaya natin itong malampasan.”
Si Helen Tan ang unang babaeng gobernador sa lalawigan ng Quezon.
Sabi pa niya sa kanyang mensahe sa mga kababayan, may lugar ang mga babae sa lipunan at pamahalaan. “Kaya nating manguna, mamuno, at maglingkod sa ating bayan.
Sa pagdiriwang ng Women’s Month (ngayong Marso), ipakita sa lahat ng kababaihan, bata man o matanda, na sila ay may malaking papel na ginagampanan sa ating mundong ginagalawan,” ani Tan sa kanyang mensahe.
Kung mahusay magsalita ang gobernador, makikita sa pang-araw-araw na pagtugon sa tungkulin ang patunay na walang-kapaguran ang paglilingkod nito sa lahat ng bayan sa Quezon.
Bilang pang-rehiyong pinuno, kasama ang iba pang opisyal na gaganap sa kanilang termino, inaasahang ang kasipagan ng Gobernador ng Quezon ay madarama rin sa buong CALABARZON.