May isang kandidato para senador na puring-puri sa social media nitong mga nakaraang buwan dahil sa kanyang tapang, husay, at track record. Ngunit matapos mag-NO sa same-sex marriage ay bigla namang bumawi ng suporta at kinagalitan ng madla, kabilang na ng mga puri nang puri noong simula.
Ayon sa kanila, hindi nila iboboto ang kandidatong hindi pareho ang
paniniwala sa kanila hinggil sa same-sex marriage.
“Tara magmahal. Ginagalang ko ito kasama ang LGBT community. Kaya’t
ang panawagan ko ay simple: ‘Ayusin natin ang sistema.’ Hindi lang
puro deklarasyon. Hindi lang papogi sa boto. I am not against love. We
are against a system that refuses to honor it,” saad ng kandidato.
Pero pirmi pa rin ang mga kritiko sa kanilang pag-cancel.
Mga ipokrito
Matagal nang debate sa pagitan ng LGBTQ community at religious people
ang same-sex marriage at Sexual Orientation and Gender Identity and
Expression o SOGIE Equality Bill.
Hindi rin kalabisan na sabihing may ‘bad blood’ sa pagitan nila, lalo
na sa mga tinatawag na ‘Born Again.’
Paano ba naman sila hindi magagalit, kung tinatawag ng mga
relihiyosong ito na masahol pa sa hayop, isinumpa na sa impyerno, at
may sakit na dapat ipagdasal ang mga miyembro ng LGBTQ.
Ito ay isang kahangalan at kahihiyan galing sa mga hipokritong
pabanal! Tama naman ang LGBTQ community sa paghingi ng respeto sa
lahat.
Sa kabilang banda naman ay naniniwala akong may punto rin ang mga
tumututol sa mga batas na nag-e-empower sa LGBTQ community.
Ubod naman rin kasi ng pikon ang ilan sa mga LGBTQ pagdating sa mga kumokontra sa kanilang paniniwala, at dini-dismiss ang ano mang
kritisismo at pagbubukas ng diskusyon bilang isa lang uri ng
diskriminasyon, bashing, homophobia, at panghuhusga.
Ano pa kaya kung may mga batas na nag-e-empower sa kanila, 'di ba’t
kinasuhan na nila at kinulong ang lahat ng hindi nila kapareho ng
paniniwala?
Halimbawa na rito ang kasalukuyang isyu ng hindi pagboto sa
kandidatong noong una ay kanilang hinahangaan sa galing.
At kung gustong ipilit ng LGBTQ community ang kanilang paniniwala,
hindi ba’t isa ring hipokrito ang sumisigaw ng respeto at ‘Love Wins’
pero ayaw namang ibigay ito sa iba?
Main character
Sa isyu naman ng hindi pagboto sa isang kandidatong inamin mo naman na
qualified, dahil lang sa hindi parehong pananaw sa isang isyu, ‘di
ba’t sira ka naman para gawin ito?
Mahalagang isyu nga ang pinag-uusapan pero malayo ito sa
pinakamahalaga. Bagamat may mga biktima pa rin ng diskriminasyon dahil
sa kasarian, mas marami at mas matindi pa rin ang maging biktima ng
patayan at nakawan.
Kung ang dahilan mo lang para bumoto ay para sa sarili mo, may tawag
sa kondisyon mo: Main Character Syndrome.
Kung ang mga iboboto mo pa ay ang mga sang-ayon sa same-sex marriage
pero magnanakaw naman, talagang sira ka!
Kung hindi mo iboboto ang ikaw mismo ay nagalingan dahil lang dito, Ay
Nako! Nakakaloka ka na Talaga!
Maraming hindi sang-ayon sa same-sex marriage ang bumoto pa rin sa mga
kandidatong sang-ayon dito dahil sa nakikita nilang maraming isyu ang
mas mahalaga kaysa dito.
Ngayong Araw ng Kagitingan, inaalala ang kagitingan ng mga sundalo sa
Fall of Bataan at Bataan Death March.
Libo-libong sundalo ang namatay sa sapilitang pagmamartsa ng 140
kilometro habang pinapahirapan. Namatay ang mga bayani sa uhaw, sa
gutom, sa init, at sa kanilang mga sugat sa kamay ng Hapon.
Matapos silang parusahan at ikulong, ang ilan sa kanila ay patuloy ang
pakikibaka sa kalayaan na kala mo’y walang nangyari.
Baka naman sa pagkakataong ito, at sakto pang sa pagdiriwang ng Araw
ng Kagitingan, sa maliit na paraan ay ipakita natin ang ating pagiging
bayani sa pamamagitan ng pagpili sa bayan kaysa sarili.
Sa Araw ng Kagitingan, buhay ang Giting ng mga Bading!
Artwork by Kevin Eric Raymundo (Tarantadong Kalbo)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews