Isa ang sugatan habang pitong bus ang nasira sa isang sunog na sumiklab sa loob ng isang garahe sa Cabuyao City, Laguna nitong nakaraang Martes, January 7.
Nagpapagaling na sa ospital ang biktima na kinilalang si "Ferdinand," 46 anyos, chassis mechanic at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Sala, Cabuyao City, Laguna, matapos magtamo ng second-degree burns sa kanyang katawan.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cabuyao, nagsimula ang sunog bandang alas-otso ng umaga sa loob ng garahe ng isang shuttle bus company sa Barangay Pulo ng nasabing lungsod.
Nagbabaklas umano ng bus ang mga tauhan ng isang junk shop sa loob ng garahe nang may biglang nagliyab sa nasabing lugar.
Sinubukan pang apulahin ng mga tauhan ng garahe ang apoy ngunit mabilis itong kumalat sa iba pang mga bus na nakaparada sa loob.
Umabot sa unang alarma ang sunog bago ito tuluyang naapula bandang 9:16 ng umaga.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng BFP, umabot sa P7 milyon ang halaga ng mga nasunog na bus at iba pang mga gamit sa garahe.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa posibleng sanhi ng nasabing insidente.
Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #FireIncident #BFP