Binigyang-pagkilala sa Gabi ng Parangal 2023 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga indibidwal at organisasyon na nagbigay ng mga katangi-tanging ambag sa larangan ng Wikang Filipino.
Ginanap ito noong gabi ng Biyernes, Agosto 25, sa Hotel Lucky Chinatown Grand Ballroom sa Binondo, Maynila.
Pinangunahan ng Tagapangulo ng Komisyon na si Arthur Casanova ang naturang okasyon habang nagsilbing mga susing tagapagsalita naman sina Sen. Loren Legarda, Atty. Abelardo Manlanque bilang kinatawan ni Senador Lito Lapid, at Bise Alkalde ng Quezon City na si Gian Carlo Gamboa Sotto naman bilang kinatawan ng Alkalde na si Joy Belmonte.
Pinarangalan naman ng Dangal Ng Wika at Kultura 2023 sina Felipe M. De Leon Jr., Rolando B. Tolentino, Pilar “Pilita” Corrales, Elwood Perez, Carol Dagani, at ang Philippine Federation of The Deaf, Inc. para sa kanilang mga ambag sa pagsulong at pagpapalawig sa Wikang Filipino sa iba’t ibang mga larangan.
Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura 2023 naman ang ibinigay sa Catanduanes State University, Sorsogon State University, Aurora State College of Technology, Quirino State University, University of San Carlos, at West Mindanao State University dahil sa kanilang mga programang tampok ang wika at kultura ng Pilipinas.
Nagkamit din ng parangal para sa Sanaysay ng Taon 2023 si Mark Anthony Angeles habang ang ikalawa at ikatlong gantimpala naman ang ipagkakaloob kina Ariel Bosque at Joanah Pauline Macatangay.
#GabiNgParangal #KomisyonSaWikangFilipino #WikangFilipino #SelyoNgKahusayanSaWikaAtKultura #DangalNgWikaAtKultura #SanaysayNgTaon #OpinYon