Free school supplies para sa mga mag-aaral sa Calamba
OpinYon Laguna

Free school supplies para sa mga mag-aaral sa Calamba

Aug 13, 2026, 5:56 AM
Christian Magdaraog

Christian Magdaraog

Writer

Hindi lang ngiti kundi dagdag-kumpiyansa ang bitbit ng 674 daycare students sa Calamba City, laguna matapos silang makatanggap ng libreng school supplies, bag, uniporme, at payong mula sa pamahalaang lungsod bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.

Mula sa mga barangay ng Mayapa, Paciano, Mapagong, Majada Out, Palo Alto, Palo Alto Upland, Laguerta, Sirang Lupa, at Hornalan, isa-isang tinanggap ng mga batang benepisyaryo ang mga kagamitang kailangan nila sa eskwela upang mas maging magaan ang pasanin ng kanilang mga magulang sa pagbabalik-klase.


Personal na pinangunahan ni Calamba City Mayor Ross Rizal ang pamamahagi ng mga school essentials, kung saan makikitang masayang tinanggap ng mga bata ang kanilang bagong school bags at iba pang kagamitan.


Ayon kay Rizal, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na tiyaking walang batang mapag-iiwanan pagdating sa edukasyon.


"Isang munting paraan upang mas maging handa at masaya ang ating mga kabataan sa kanilang pag-aaral. Dahil sa bawat batang ating tinutulungan, isang magandang kinabukasan ang ating sinisimulan," aniya.


Bukod sa school supplies, tumanggap din ang mga daycare student ng libreng uniporme at payong upang maging mas kumpleto ang kanilang paghahanda sa pagpasok sa paaralan.


Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa edukasyon, inaasahang malaking ginhawa para sa daan-daang pamilya sa Calamba ang naturang programa, habang ipinagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang mga inisyatibong naglalayong bigyan ng mas magandang simula ang bawat batang Calambeño.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.